Ang Iglesia Ni Cristo (INC) ay nagsimula nang magbigay ng personal protective equipment (PPE), gayundin ng kinakailangang hospital supplies sa mga pangunahing pampublikong ospital sa Quezon City na bahagi ng pagsisikap nitong makatulong sa lokal na pamahalaan at health authorities sa paglaban sa COVID-19.
“Ipinamamahagi namin ang mga kinakailangang ito sa lahat ng public hospitals sa Quezon City upang matugunan ang mga kagyat na pangangailangan ng ating medical frontliners. Nagsasagawa kami ng aming sariling pagsisikap upang mabawasan ang pagiging vulnerable nila sa virus kapag nagsasagawa sila ng kanilang mga gawain,” ayon kay INC General Auditor Glicerio B. Santos Jr.
Idinagdag ni Santos na nagbigay ng direktiba sa Simbahan si INC Executive Minister Brother Eduardo V. Manalo na maging ‘all out’ sa pagbibigay ng mga ayuda at mga isinusulong na tulong upang maiwasan ang pagkalat ng virus, na tumama sa iba’t ibang lugar sa Quezon City, pati na rin ang pagbigigay pahintulot para gamitin ng gobyerno ang Philippine Arena upang labanan ang naturang sakit.
“Sinabi sa amin ni Ka Eduardo na sa halip na harapin ang banta na ito na may takot, dapat nating harapin ito ng aksiyon – at ito ang dahilan kung kaya pinili ng Simbahan na tumulong sa gobyerno at sa ating mga kababayan sa anumang paraan na maaari nating makayanan,” pagbibigay diin ni Santos.
Aniya, napag-usapan na ito ng facility’s management kasama ang Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID). Nitong Biyernes, ang mga kinatawan ng gobyerno ay nagsagawa na ng site visit at ocular inspection sa Philippine Arena, Philippine Sports Stadium at The Garden Suites, lahat ito ay matatagpuan sa Ciudad de Victoria sa Bocaue, Bulacan.
Ayon pa kay Santos, maaari nang simulan ng gobyerno ang pagsasagawa ng paghahanda sa lugar upang matiyak na makatutulong ito sa biglaang paglobo ng mga kaso ng COVID-19.
“Handa kaming tumulong. Sa kritikal na oras na ito, lahat tayo ay kailangang magtulungan upang talunin ang virus na ito. Tayong lahat ay apektado, kaya dapat kumilos tayong lahat.”
Ang Philippine Arena na matatagpuan sa Bocaue, Bulacan ay ang pinakamalaking indoor arena sa buong mundo. Maaari ritong umupo ang mahigit 50,000 spectators at mayroon itong floor area na 99,000 square meters.
Ang Philippine Arena, paliwanag ni Santos, ay puwedeng pansamatala munang gawing ‘mega medical facility’ kung saan ang mga pasyente ng COVID-19 ay maaaring ilipat dito para magamot.
Bukod sa malawak na floor area ng Philippine Arena, ang lugar ay mayroon ding iba pang mga pakinabang, ayon sa INC official.
Binigyang punto rin ni Santos na ang Philippine Arena ay madaling ihiwalay at ligtas kapag maayos ang pagpasok at paglabas dito. Madali rin itong mai-access via NLEX.
“Ang mga medical personnel na ma-a-assign sa nasabing lugar ay maaari rin nilang gamitin ang mga silid sa The Garden Suites sa Ciudad de Victoria bilang kanilang quarters kaya hindi nila kailangang mag-commute papunta at pabalik ng Metro Manila.”
Ibinahagi ng opisyal ng INC na ang Simbahan ay patuloy na nakikipagtulungan sa mga pampubliko at pribadong sektor na mga stakeholder sa pagsisikap nito na makapaghatid ng tulong.
Bilang karagdagan sa mga medikal na kagamitan, ang Simbahan ay nagkaloob din ng limang milyong piso na donasyon sa Quezon City government sa pamamagitan ni Mayor Joy Belmonte, pati na rin ng tatlong milyong pisong halaga ng medical assistance para sa Davao City.
Comments are closed.