INC OUTREACH SA QUIRINO GRANDSTAND DINUMOG

INC OUTREACH

PATULOY na humahakot ng libo-libo ang Iglesia ni Cristo (INC) sa proyekto nitong Lingap sa Mamamayan, sa pagkakataong ito ay nasa 160,000 ang dumalo sa Quirino Grandstand para sa pinakahuling edisyon ng pangmundong outreach program ng Iglesia.

Ayon kay INC General Auditor Glicerio B. Santos Jr., ang tagumpay ng Lingap sa Mamamayan ay patunay sa layunin ni Executive Minister Eduardo V. Manalo, na siyang nag-atas sa Iglesia na maging aktibong bahagi sa pandaigdigang paglaban sa kahirapan.

“Noon pa man, ang Iglesia ay ginagabayan ng pagnanais nito na gamitin ang kanyang mga pagkukunan sa paraang magbibigay pakinabang sa ating mga komunidad,” ayon kay Santos.

“Kami ay naniniwala na ito ang tamang gawin, dahil saan man tayo nagmula at anuman ang a­ting paniniwala, dapat na­ting tandaan na tayo ang tagapag-ingat sa bawat isa,” dagdag pa ng opisyal ng INC.

Ang mga kalahok sa Lingap ay binigyan ng pagkain, at libreng serbisyong medikal at dental kasama na ang libreng laboratory test gaya ng complete blood count, random blood sugar testing, blood typing, urinalysis, at maging pregnancy test.

Kabilang din sa mga ibinahagi nang walang bayad ay ang serbisyo ng mga espesyalista sa internal medicine, pediatrics, at OB-gynecology. Nagdala rin ng mga modernong ka­gamitang medikal gaya ng mga mobile x-ray, 2D echo, ultrasound, at electrocardiogram (ECG) para sa mga dumayo sa Quirino Grandstand.  Dalawang pansamantalang mini-hospital, na may operating room ang itinayo para sa minor surgical procedures gaya ng warts at cysts removal, maging pagtutuli.

Namahagi rin ng libreng reading glasses at gamot para sa alta presyon, diabetes, ubo’t sipon, lagnat at antibiotics. Bukod sa mga nabanggit, namigay rin ng mga wheelchair at tungkod para sa mga nangangaila­ngan. Para kompletuhin ang proyekto, nagkaroon din ng pamamahayag ng Bibliya.

Ang mga gawaing Lingap sa Mamamayan ay isinagawa hindi lang sa Filipinas, kundi maging sa Estados Unidos, Canada, Northern at Southern Europe, Australia, New Zealand, Southeast Asia, China, Taiwan, Japan, South Korea, Brazil at mga pangunahing lokasyon sa Gitnang Silangan gaya ng Qatar, United Arab Emirates, at Saudi Arabia.

Katatapos lang ng serye ng mga Lingap sa Mamamayan sa Africa, kung saan namahagi ng food parcels sa Kibera at Kawangware sa Nairobi, Kenya noong nagdaang buwan. Idinaos din ang proyekto sa Blantyre at Samama Village Mangochi sa Malawi kasabay noon. Pahayag pa ng mga opisyal ng Iglesia, 33,000 katao ang napagsilbihan sa nasabing mga gawain.

Ang mga proyektong ito ay naisakatuparan matapos ang Worldwide Walk Against Poverty ng INC noong Mayo kung saan mahigit isang milyon ang nakibahagi sa Maynila, na sinabayan din ng katulad na proyekto sa 358 mga lugar sa 44 na bansa. Tatlong Guinness world record ang giniba ng nasabing aktibidad kung saan naitala ng mga miyembro ng INC ang: pinakamala­king charity walk sa iisang venue, na nilahukan ng 238,171 INC members sa Roxas Boulevard sa Maynila; ang pinakamahabang pangungusap (longest human sentence) na binuo ng 23,235 mga kalahok; at ang pinakamalaking picture mosaic na binuo ng 9,000 mga miyembro ng Iglesia.

Comments are closed.