TINIYAK ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na makatatanggap ng P15, 000 halaga ng Service Recognition Incentive (SRI) ang bawat eligible employee ng kagawaran, mas mababa sa itinatakdang maximum amount na P20, 000 ayon sa AO No. 1 ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa memorandum na nilagdaan ni VP Secretary Sara Duterte kahapon, Disyembre 19 ay isinapubliko sa pamamagitan ng Facebook Page ni Undersecretary for Finance Anne Sevilla, ipinag-uutos na pasimulan na ang pagbibigay ng SRI sa mga kawani mula ngayon araw ngunit hindi lalampas ng Enero 6, 2023.
Ayon naman kay Benjo Basas, National Chairperson ng TDC ay ipinagpapasalamat pa rin nila ito bagamat hindi umabot sa maximum na halagang P20, 000 bawat kawani ay mas mataas naman kaysa sa nakalipas na mga taon na P10, 000 lamang.
“Ayos na rin ito, salamat pa rin at natugunan ang isa sa kahilingan ng mga empleyado. Sana maibigay nang mas maaga,” saad ni Basas.
Nakasaad din sa nasabing memorandum na ang halagang ito ay ibibigay ng cash sa mga kawani at hindi sa pamamagitan ng ATM kaya hinimok din ang field offices na gumawa ng paraan upang maging mabilis at maayos ang pamamahagi nito sa mga empleyado at makaiwas sa posibleng panganib.
“Itong pag-release ng cash at maaaring maging problema sapagkat mahihirapan ang mga staff natin sa division offices na magawa ito nang mabilisan. Kaya nga nakikiisa kami sa kanila na kung maaari ay sa ATM na lang muli ipadaan ang SRI,” dagdag pa ni Basas.
Muling iginiit ng TDC na dapat ding ikonsidera ng pamahalaan ang pagbibigay ng mas mataas na sahod at mga benepisyong pangmatagalang mapakikinabangan ng mga guro gaya ng serbisyong pangkalusugan, pabahay, post graduate studies at pagsasaayos ng serbisyo ng GSIS. Elma Morales