TATANGGAP ng insentibo mula sa Department of Labor and Em ployment (DOLE) ang mga kompanya at employer na ilalaan ang 10 porsiyento ng kanilang workforce sa persons with disabilities (PWDs).
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang naturang mga kompanya ay bibigyan ng moratorium sa pag-iinspeksiyon para sa pagtalima sa labor laws.
Ani Bello, itinatakda ng batas na hindi bababa sa isang porsiyento ng workforce ng kompanya ay dapat kabilangan ng PWDs.
“Sabi ko roon sa aming job fair, mga kapatid na PWD, sa halip na sumunod ka sa batas na 1 percent, eh kung tumanggap ka ng 10 percent or more, bilang gantimpala ay magde-declare kami ng moratorium doon sa establishment na ‘yon. Wala munang inspeksiyon—’yung labor law compliance inspection,” anang kalihim.
Dagdag pa ng kalihim, magandang insentibo ito sa mga kompanya at employer dahil kung minsan ay nakararanas ng ‘inconvenience’ kapag nagsasagawa ang DOLE ng inspeksiyon para i-check ang kanilang pasuweldo at iba pang bagay.
“’Pag minsan ay naiistorbo sila ‘pag pinupuntahan sila sa kanilang establishment… Malaking inconvenience din sa kanila ‘yon,” aniya pa.
Gayunman, aalisin umano ang moratorium sa sandaling magkaroon ng reklamo laban sa kompanya o employer.
“The moratorium also does not cover inspections to check on compliance with safety and health standards such as having a fire escape and a fire extinguisher,” sabi pa ni Bello.
Sa ilalim ng batas, ang mga kompanya at employer ay inaatasang magkaloob ng equipment at facilities para sa kaginhawaan ng PWDs.
Magugunitang nagsagawa ang DOLE ng job fair para sa PWDs sa Quezon City Hall noong Miyerkoles.
Mahigit sa 1,000 trabaho sa business process outsourcing, electronics, advertising, hotel, health and wellness, travel, media, logistics, manpower and security services, sales, property management, pharmaceutical, at memorial services ang inialok sa mga aplikante.
Comments are closed.