INCENTIVES PARA KAY YULO PATULOY NA BUMUBUHOS

MAS marami pang insentibo ang matatanggap ni Filipino gymnast Carlos Yulo matapos ang kanyang makasaysayang tagumpay sa 2024 Paris Olympics.

Nakopo ni Yulo ang ikalawang Olympic gold medal noong Linggo nang pagharian niya ang vault finals sa men’s artistic gymnastics. Nauna siyang nanalo ng gold sa floor exercise noong Sabado.

Siya ang unang Filipino athlete na nagwagi ng multiple medals sa isang Olympics, at una na nanalo ng dalawang gold medals.

Sa isang statement, sinabi ng Bounty Fresh at Chooks-to-Go na gagantimpalaan nila si Yulo ng P3 million para sa kanyang tagumpay.

.”We believe in celebrating and supporting our homegrown talent, and this reward is a testament to our admiration for Carlos,” wika ni Patricia Cheng-Lim, executive vice president ng Bounty Fresh Group Holdings Inc. “We hope his success will inspire the next generation of Filipino athletes to pursue their dreams with the same passion and determination.”

Samantala, ia-upgrade ng property developer Megaworld Corp. ang reward nito para kay Yulo makaraang makopo niya ang kanyang ikalawang gold medal sa Paris.

Ayon sa Megaworld, bibigyan nito si Yulo ng isang three-bedroom condo unit sa isa sa premier residential properties nito sa loob ng McKinley Hill. Naunang sinabi ng kompanya na gagantimpalaan nito ang Filipino gold medalist ng P24-million two-bedroom residential condominium unit.

“The condominium unit will be designed and fully-furnished with appliances, furniture and fixtures. The unit also comes with two balconies, a separate maid’s room, and a parking slot with a total value of P32-million,” ayon sa Megaworld.

Tatanggap din si Yulo ng bonus na P3 million.

“We are boosting our reward for Carlos Yulo now totaling to P35-million. He truly deserves this and we will always be proud of him for taking Filipino excellence to the next level,” wika ni Megaworld president Lourdes Gutierrez-Alfonso sa isang statement.

Tatanggap din si Yulo ng P6-million reward mula sa House of Representatives para sa kanyang double gold medal-winning effort sa Paris Olympics.

Ang halaga ay alinsunod sa naunang pangako ng Kamara na magkakaloob ng incentives sa Olympic medalists — P3 million para sa gold, P2 million sa silver, at P1 million sa bronze.

Sa ilalim naman ng Republic Act 10699, o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, ang gold medalists sa international sports competitions ay tatanggap ng P10 million mula sa pamahalaan; silver medalists, P5 million; at bronze medalists, P2 million.