INCENTIVES SA FARMERS

RICE FARMERS

MANANATILI sa P17.70 kada kilo ang buying price ng mga tuyong palay subalit makatatanggap ang mga magsasaka ng P3 sa ilalim ng buffer stock incentive program ng pamahalaan.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, bibili sila ng maraming local production upang maprotektahan ang mga magsasaka sa gitna ng pag-angkat ng bigas.

Nilinaw naman ng kalihim na bibili pa rin ng palay ang National Food Authority (NFA) kahit pa hindi tuyong-tuyo ang ibinebentang palay ng mga magsasaka subalit bahagyang mas mababa ang presyo nito kumpara sa tuyong palay.

Nabatid na naglaan ang National Food Authority (NFA) ng P6.7 billion sa pagbili sa mga tuyong palay sa presyong P17 kada kilo.

Dagdag pa ni Pinol, ang mga magsasaka na nabibilang sa mga kooperatiba at asosasyon ay maaaring mabiyayaan ng karagdagang insentibo mula sa DAQ tulad ng fertilizers, seedlings at farm supplies.

Nakatakdang magpulong ang NFA Council sa Martes upang talakayin ang mga panuntunan sa importasyon ng bigas.

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng unlimited rice importation upang matugunan ang hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng bigas at ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng pagsipa ng inflation sa 6.7 percent, ang pinakamataas sa nakalipas na siyam na taon.

Binigyang-diin ng Pangulo ang pa­ngangailangan na madagdagan ang supply ng bigas sa pamamagitan ng pag-angkat.

Napag-alaman na makikipag-partner ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pribadong sektor sa pag-angkat ng bigas, na ipagbibili naman sa hindi hihigit sa P38 per kilo sa ilalim ng Presyo Resonable Dapat program nito.

Comments are closed.