MAKATATANGGAP ng P10,000 service recognition incentive (SRI) ang mga kawani ng gobyerno sa executive department.
Sa inilabas na Administrative Order No. 19 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 2, 2019, kabilang sa makatatanggap ng cash incentive ang mga civilian personnel sa national government agencies, kasama ang mga nasa state universities and colleges (SUCs), GOCCs, mga umookupa sa regular at contractual or casual positions, mga sundalo, uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Kasama rin sa makatatanggap ng P10,000 ang mga nasa Philippine Coast Guard (PCG), gayundin ang National Mapping and Resource Information Authority (NMRIA).
Inaatasan din ang mga pinuno sa legislative at judicial departments at iba pang tanggapan na may fiscal autonomy na bigyan ng kaparehas na incen-tives ang kani-kanilang mga kawani, na kukunin sa available released allotment ng kanilang mga ahensiya.
Ang mga kawani ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama na ang mga nasa barangay, ay mabibigyan din ng pamasko alinsunod sa pag-apruba ng kanilang Sanggunian depende sa financial capability ng local government units.
Makatatanggap din ng katulad na pamasko ang mga kawani ng local water districts sa ilalim ng pagdetermina ng kanilang board of directors.
Hindi naman kasama sa makatatanggap ng pamaskong P10,000 ang mga consultant na nagseserbisyo lamang sa limitadong panahon, mga mangga-gawa na nasa ilalim ng job contracts, student workers at apprentices at mga indibiduwal o grupo ng mga taong nasa ilalim ng job orders, contracts of service o iba pang katulad na sistema ng serbisyo.
Ang pondong gagamitin para rito ay kukunin sa miscellaneous personnel benefits fund sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act para sa P7,000 parte, habang ang natitirang P3,000 ay huhugutin sa available released personnel service allotments ng bawat ahensiya ng gobyerno.
Alinsunod sa administrative order, dapat maibigay ang SRI simula sa darating na Disyembre 20.
Samantala, ang mga kawani na nakapagtrabaho ng wala pang apat na buwan bago mag-Nobyembre 30 ay makatatanggap din ng prorated share ng SRI. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.