IMBES na patawan ng buwis, hiniling ni Senador Win Gatchalian na tulungan ang mga maliliit na online entrepinoys sa bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng dagdag na puhunan at iba pang tulong pinansiyal para mapalago ang kanilang negosyo.
Ayon kay Gatchalian, dapat isama ang mga online seller sa microfinancing program ng Small Business Corporation (SB Corp.) upang mabilis na makabangon sa krisis na dulot ng pandemya. Ang SB Corp ay isang Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) at kalakip na ahensiya ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang SB Corp ay naglaan ng isang bilyong pisong Enterprise Rehabilitation Financing facility sa ilalim ng Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (Covid19 P3-ERF) upang umagapay sa mga maliliit na negosyo o micro and small businesses.
Ang SB Corp microfinancing program ay nag-aalok ng mababang interes na hindi hihigit sa 2.5% kada buwan at hindi nangangailangan ng kolateral. Ang mga micro enterprise na may pag-aaring hindi hihigit sa 3 milyong piso ay maaring umutang ng sampung libong piso (Php 10,000) hanggang dalawang daang libong piso (Php 200,000). Samantala, ang mga negosyong tinaguriang small enterprises na may pag-aaring hindi hihigit sa sampung milyong piso (Php 10 million) ay maaring umutang ng hindi hihigit sa limang daang libong piso (Php 500,000).
Bukod sa pagbibigay ng pangkapital, sinabi ni Gatchalian na dapat gamitin ng DTI ang Philippine Innovation Law upang lalong maging competitive ang online sellers. Ang Philippine Innovation Law, na isinusulong ng senador noon pang 17th Congress ay naglalayong tulungan ang mga maliliit na negosyo o marginalized (micro, small and medium enterprises (MSMEs) na maging bahagi ng pandaigdigan at lokal na daloy ng produkto at serbisyo sa pamamagitan ng pag-innovate o pagpapabuti ng kanilang mga produkto o serbisyo.
“Ang DTI ay dapat magbigay pa nga ng puhunan sa mga Filipino na nawalan ng trabaho at gustong makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagnenegosyo sa online. Sa ganitong panahon ng pandemya, mas magandang nasa tahanan lang sila at nagnenegosyo. Nabibigyan pa nila ng trabaho ang mga delivery service rider,” ayon kay Gatchalian.
“Hindi lang basta ayuda ang hinihingi ng mga negosyanteng ito. Ang hinihingi nila ay malaya silang bigyan ng oportunidad na makapagnegosyo para may kita sila,” dagdag pa ng senador. VICKY CERVALES
Comments are closed.