INCOME TAX HOLIDAYS SA INVESTORS ‘WAG ALISIN – PEZA

PEZA director general Charito Plaza-3

NANAWAGAN ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa pamahalaan na panati­lihin ang kasalukuyang insentibo na income tax holidays na natatanggap ng mga investor, partikular ang nasa economic zones.

Ang panawagan ay ginawa ni PEZA director general Charito Plaza sa ginanap na Cebu Business Month event noong nakalipas na linggo kung saan iginit niya na  kailangang manatili ang naturang incentive para  lalong mahikayat ang mga investor.

Sa kasalukuyan ay may nakabimbing bill o ang Trabaho bill sa Kongreso kung saan nakapaloob ang pag-aalis sa income tax holidays para sa investors.

Napag-alaman na nababahala ang mga namumuhunan sa bansa sa itinutulak na second package ng comprehensive tax reform program kung saan ang bahagi ng panukala ay putulin ang income tax holidays at duty-free imports ng investors.

Subalit nilinaw ng pamahalaan na ang second package ay isinusulong hindi para alisin ang tax incentives kundi patuloy itong ibigay sa mga negosyante, kabilang na ang SMEs kung saan mas lalong darami ang investment mula sa ibang bansa na lilikha ng mas mara­ming trabaho.

Nasa kalagitnaan na ang ipinatutupad na tax reform para maitaas ang revenue ng bansa kung saan kukunin ang pambayad sa tumataginting na US$180-bilyong infrastructure spending.

“The proposal is to rationalize tax incentives now enjoyed by just a select group of mostly big businesses located in large cities, and level the playing field for some 90,000 small and medium enterprises (SMEs) all over the country that currently pay the corporate income tax rate of 30%, the region’s highest,” wika ng DOF. MHAR BASCO