SISIMULAN na ng pamahalaan ang pangongolekta ng buwis mula sa foreign workers na nauna nang nabigong magbayad ng kanilang obligasyon.
Sa sidelines ng pre-State of the Nation (SONA) press conference, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na magpapatupad ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng mas mahigpit na batas upang makakolekta ng tamang buwis mula sa mga dayuhan na nagtatabaho sa bansa.
“Implementation ng law lang ‘yan. And I asked them specifically to track how much they are collecting. They said they will start making collections … in July,” ani Dominguez.
Aniya, nakahanda ang BIR na simulan ang pangongolekta ngayong Hulyo.
Bumuo ang gobeyrno ng isang task force na kinabibilangan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Immigration (BI), Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), at BIR upang magpatupad ng mas mahigpit na batas at makakolekta ng buwis mula sa foreign workers.
“It’s everybody … Foreigners who work here, they should be paying taxes just like Filipinos who work abroad, who pay taxes,” sabi pa ng kalihim.
“This is a matter of their citizens, Chinese citizens, of Ethiopians, or British who work here who are subject to our tax laws,” dagdag pa niya.
Nauna rito ay sinabi ng DOF na target nitong makakolekta ng P32 billion na annual income tax mula sa foreign nationals na nagtatrabaho para sa Philippine online gaming operators (POGOs).
Sa datos ng DOLE at BI, may 138,000 foreign nationals ang nagtatrabaho para sa POGOs.
Comments are closed.