MAHABA ang karanasan sa paninilbihan sa pamahalaan ng napili ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang susunod na kalihim ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa isang press conference, inanunsiyo ni incoming Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na si Amenah Pangandaman, kasalukuyang Assistant Governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang susunod na mamumuno sa DBM.
“Napakahaba na ng karanasan ni Pangandaman sa legislature at executive branches, kaya natutuwa akong makakatuwang namin siyang muli sa pag-aaral sa 2023 national budget sa mga darating na araw,” ang pahayag ni Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate finance committee.
Matatandaang si Pangandaman ay naging undersecretary sa DBM noong unang bahagi ng termino ni Pangulong Duterte sa ilalim ni Secretary Ben Diokno.
Siya rin ay nagsilbi bilang chief of staff ni dating Senate President Edgardo J. Angara, ama ni Senador Sonny Angara, at naging bahagi rin ng core group ni Senador Loren Legarda noong siya ang chairman ng Senate finance panel.
Malugod namang tinanggap ni Pangandaman ang nominasyon sa kanya bilang budget chief ng gobyerno, at sinabing lubos ang gagawin nilang pagsuporta sa layunin ng papasok na administrasyon na muling mapalakas at maibalik sa dating lusog ang ekonomiya ng Pilipinas
Nangako rin ang incoming budget secretary na magiging masigasig siya sa pangangasiwa sa fiscal resources ng gobyerno, sa modernisasyon ng budget system, pagtiyak nang maayos na government spending at ang pagsusulong na muling mapalakas ang ekonomiya sa pamamagitan ng human capital development at strategic investment sa malalaking impraestruktura.
At dahil sa napakalawak na karanasan at kaalaman na nahulma niya sa pagsisilbi sa Lehislatura at Ehekutibo, taglay ni Pangandaman ang isang maipagmamalaking track record bilang isang public servant.
Bilang Assistant Governor ng BSP sa kasalukuyan, naging instrumento si Pangandaman sa pagtupad ng mga proyekto ng BSP Governor sa loob at labas ng ahensiya.
Sa kanyang pagpasok bilang DBM Secretary, taglay rin niya ang napakalawak na kaalaman sa galaw ng departamento dahil nagsilbi rin siyang Undersecretary nito sa ilalim ng administrasyong Duterte. Pangunahing pinangasiwaan ni Pangandaman sa DBM ang Department Liaison Office at Budget Technical Bureau nito.
Sa mga panahong nabanggit, nanguna siya sa pagsusulong ng budget reforms at naging masigasig sa paghahanda, pagpapatupad at pagmo-monitor ng General Appropriations Act.
Nagtapos ng kursong Economics sa Far Eastern University, mayroon din siyang diploma at masters degree in Development Economics mula sa University of the Philippines (UP) at kasalukuyang tinatapos ang kanyang Executive Master of Public Administration sa London School of Economics.