NILINAW kahapon ni Comelec Spokesman James Jimenez na hindi nila tatanggapin ang mga certificate of candidacy (COC) na may laktaw o may mga tanong na hindi sinagutan ng kandidato.
Ito ang reaksiyon ni Jimenez kaugnay sa paghikayat ni dating Comelec chairman Sixto Brillantes Jr. sa mga kandidato na laktawan o huwag na lamang sagutan ang naturang Question #22, o ang tanong hinggil sa kung nagkaroon na ng kaso ang aplikante, na may pinal na hatol at nagbabawal sa kanya na maupo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Nauna rito, binatikos ni Brillantes ang naturang katanungan at sinabing kusa nang dinidiskuwalipika ng mga convicted individual ang kanilang sarili kahit wala pang final court judgment.
Ayon naman kay Jimenez, ang mga COC na may laktaw o may katanungang walang sagot, ay ikokonsidera nilang ‘incomplete’ at hindi tatanggapin ng mga election officer.
Sa muling pag-arangkada ng ikatlong araw ng paghahain ng COC ay ilang reelectionist at mga independent candidates ang nagtungo sa punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Manila.
Dakong 9:00 ng umaga nang dumating ang reelectionist na si Senator Cynthia Villar upang maghain ng COC, kasama ang kanyang asawang si dating Senador Manny Villar at kanilang pamilya.
Sumunod naman na naghain ng COC sa pagka-senador si Maguindanao 2nd District Representative Zajid “Dong” Mangudadatu, na tatakbo sa ilalim ng PDP-Laban habang independent candidates naman sina Andrew Magistrado, na mula sa Iriga City, Camarines Sur.
Nakapagsumite naman si dating Communications Assistant Secretary Mocha Uson ng kanyang kandidatura para maging nominado ng AA Kasosyo Partylist sa House of Representatives.Dumating din upang maghain ng COC ang reelectionist na si Senator Grace Poe-Llamanzares, kasama ang kanyang inang si Susan Roces-Poe at maraming iba pa.
Sa kabuuan, hanggang 3:00 ng hapon ay umabot na sa 21 ang mga nakapaghain ng COC sa pagka-senador at inaasahang madaragdagan pa ito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.