INCREASE SA SIN TAX MALABONG MAIPASA

Senate President Vicente Sotto III-2

IGINIIT ni Senate President Tito Sotto III na maliit na ang pag-asa na maipasa sa susunod na linggo ang panukala na magtataas sa buwis na ipinapataw sa alak at sigarilyo.

Ani Sotto, hanggang sa Miyerkoles (Pebrero 6) na lang ang sesyon ng Kongreso para bigyang daan ang election period.

Anang senador, maipagpapatuloy nila ang pagtalakay sa proposed sin tax increase sa muling pagbabalik ng sesyon sa Mayo 19 hanggang Hunyo 7.

Maging si Senadora Cynthia Villar ay dudang maipapasa sa senado ang panukalang batas na naglalayon ng karagdagang buwis sa tobacco products.

Ani Villar, wala ng oras ang senado dahil i­lang araw na lamang ang  nalalabi na kung saan ay kaila­ngan pang tignan ang estado ng tobacco companies at tobacco farmers.

Sinabi naman ni Senador Sonny Angara, ang Chairman ng Ways and Means Committee, na kanilang itutuloy ang pagdinig sa susunod na linggo, araw ng Lunes.

Giit ni Angara na kailangan nilang makuha ang ilang mga dokumento sa DOH kung paano nila lulutasin ng tama ang pondo na makukuha mula sa karagdagang buwis sa sigarilyo.

Sa naturang pagdinig kulang ang mga dokumento na iprinisinta ng DOH kung saan at paano gagamitin ang naturang pondo.

Ayon naman kay Dr. Tony Leachon ng sin tax coalition, mainam sanang maisabatas agad ang dagdag na buwis sa tobacco at alcohol products dahil pagkukunan ito ng pondo para sa implementasyon ng Universal Health Care Act.

Aniya, isa itong magandang balita na maa­ring isama sa magiging State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo.

Paliwanag pa ni Leachon, ang panukala rin ay naglalayong maisalba ang mamamayan laban sa mga sakit na dulot ng nabanggit na mga bisyo. VICKY CERVALES

Comments are closed.