INDAY NG BUHAY NILA

Magkape Muna Tayo Ulit

NATAPOS na ang kalituhan sa pagpapalit ng liderato sa Kongreso noong Lunes. Malaking drama ang naganap. Para tayong nanood ng isang teleno­bela sa agawan ng kapangyarihan sa Mababaang Kapulungan. Ang mga pangunahing karakter dito ay sina Rep. Pantaleon Alvarez, da­ting pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo at Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Hindi na natin kaila­ngan na ulitin ang mga pangyayari noong Lunes. Malamang alam na natin lahat ang katapusan ng nasabing drama. Subalit hanggang ngayon, hindi natin alam kung sino ang tunay na director ng nasabing telenobela.

Maraming umuugong na ang anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor ‘Inday’ Sara Duterte ang direktor umano ng pagpapalit ng liderato sa Kamara. Wala tayong narinig na pag-amin o pagtanggi kay Inday Sara na may kinalaman siya rito. Ang narinig lamang natin sa kanya ay ang pagbati niya sa bagong luklok na speaker ng Kamara. Sinabi niya na si Speaker Arroyo ay isang ‘strong leader’. Ganoon pa man, patuloy pa rin ang ugong at pilit na sinasabi ng  ibang mga mambabatas na si Inday Sara ang may utak sa pagpapatalsik kay Alvarez.

Umugong na ang balita ng hidwaan nina Inday Sara at Alvarez. Noong nakaraang Abril, may balita na gumagawa raw ng hakbang si Inday Sara para  palitan si Alvarez bilang House speaker. Hindi ito nangyari. Subalit nitong Lunes, nagkatotoo ang nasabing tsismis.

May narinig pa akong balita na ang malapit na kaibigan ni Alvarez na si Rep. Rudy Fariñas ng Ilocos Norte ay walang kaalam-alam na may nilulutong pagpapatalsik ng kanyang katsokaran. Gabi ng Linggo ay kasama pa niya ang  ­ilang kasamahan niya sa Kongreso sa isang caucus meeting sa Shangrila Hotel sa BGC. Masaya at walang napag-usapan tungkol sa palitan ng liderato kinabukasan.

May balita din akong nasagap na ang tunay na direktor sa nasabing telenobela ay ang mga malalaking partido politikal sa Kongreso. Nag-umpisang magtatawag daw ang mga matataas na opsiyal sa kanilang miyembro na pumirma sa isang resolusyon sa pagtatalaga kay Rep. GMA na kapalit ni Alvarez bilang speaker. Ang mga malalaking partido na sumuporta kay GMA ay ang NP (16 members), paksyon ng PDP-Laban (114), NUP (17), paksyon ng LP (40), at NPC (29).

Sa madaling salita, huwag na nating puntiryahin pa si Inday Sara bilang utak ng pagpapatalsik kay Alvarez. Totoo na nagkaroon sila ng hidwaan. Subalit para pagbintangan siya na pasimuno sa pagtanggal kay Alvarez ay tila walang katotohanan.

Maaaring lantaran na nagpahayag siya na hindi niya gusto si Alvarez at mas maganda na palitan ito sa puwesto. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay kayang-kaya ni Inday Sara na sabihan ang mahigit 180 mi­yembro ng Kongreso na pumirma sa resolusyon laban kay Alvarez. Ang tunay na dahilan diyan ay ang mayorya ng Kamara ay hindi masaya sa pamamalakad ni Alvarez. Ang tunay na pu­wersa riyan ay ang liderato ng nasabing mga partido politikal at hindi si Inday Sara. Si Sara ay hindi Inday ng Buhay nila.

Comments are closed.