INDAY SARA ‘DI TATAKBONG SENADOR

INDAY SARA

TULUYAN nang tinuldukan ni Davao Mayor Sara Duterte ang haka-hakang tatakbo itong senador sa dara­ting na 2019 elections.

Ito ang kinumpirma ni Inday Sara sa ginanap na signing ng alliance agreement  ng 9 na political parties sa Hugpong Ng Pagbabago (HNP) na pinamumunuan nito.

Aniya, wala siyang planong tumakbo sa pagka-senador dahil ang nais niya ay suportahan ang kanyang ama sa panahon ng pamumuno nito bilang Pangulo ng bansa.

Kahapon, pormal nang  nilagdaan ng siyam na partido ang kanilang pakikipag-alyansa sa HNP na kabilang ang tatlong national political parties gaya ng Nacionalista Party na pinamumunuan ni Senadora Cynthia Villar, dating Congressman Mark Llandro Mendoza ng Nationalist People’s Coalition at Congressman Fredenil Castor ng National Unity Party.

Ang  anim na local political parties naman ay kinabibilangan nina Congressman Seth Frederick  Jalosjos ng Aggrupation of Party for Progress (APP), Norris Oculam ng Alyansa Bolanon Alang sa Kausaban (ABAKA), Governor  Imee Marcos ng NP- Ilocos chapter, Governor  Lilia Pineda ng Kambilan-Pampanga, Atty. Nadya Emano-Elipe ng  PaDayon Pilipino-Misamis Oriental at Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ng Serbisyo sa Bayan Party.

Matapos ang natu­rang paglalagda ng alyan­sa, pinagkalooban ng HNP sina Belmonte at Pineda ng tig-kakalaha­ting milyon bilang tulong sa mga naapektuhan ng habagat sa Quezon City  at Pampanga.

Ayon kay Inday Sara, ang nalikom na P1 mil­yon ay mula sa donasyong ipinagkaloob ng naturang mga kaalyansa ng HNP.   VICKY CERVALES