KUNG akala natin ay nagkaroon na ng resolusyon ang bakbakan para sa House speakership nang iendorso ni Presidente Rodrigo Duterte noong Lunes ang Cayetano-Velasco term-sharing, lumilitaw ngayon na parang hindi pa talaga tapos ang saga.
Kinabukasan, agad na nagpakawala ng bala ang kampo ng isang aspirante sa posisyon na si Leyte Rep. Martin Romualdez nang ibunyag sa media ng kanyang kaalyadong si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang sinasabing isang text message mula kay Davao City Mayor Sara Duterte.
Nakuhanan ng picture at video ang screen ng smartphone ni Congressman Defensor at ito ang nilalaman: “Hi sir! I have the go signal of Mayor Inday to publish. ‘Kaya nanawagan siya ngayon sa lahat ng mga Congressmen na bumoto ayon sa kanilang kagustuhan dahil ang kanyang ama ay na-set-up lamang ng mga gahaman na gabinete na kaalyado ni Cayetano.’ – Mayor Inday.”
Ayon sa kinatawan ng Anakalusugan Partylist, ipinadala sa kanya ang text message ng isang baguhang kongresistang taga-Davao na “very close” sa presidential daughter.
Nangyari ang pagbubunyag ni Defensor sa farewell party ni Gloria Macapagal-Arroyo noong Martes ng gabi.
Nag-backfire ang bala sa kampo ni Martin dahil nagalit si Mayor Sara at kanyang sinabihan si Defensor na tigil-tigilan na ang pang-iintriga at pangalanan kung kanino galing ang text message upang malaman ng mga tao ang katotohanan. “A responsible individual would have asked me if there is truth to the text,” patutsada pa niya.
Sa press statement ni Sara noong nakaraang Miyerkoles, kanyang ibinunyag na nagpa-panic si Defensor ilang oras bago maganap ang pag-uusap sa Malacañang tungkol sa term sharing. Tumawag pa nga raw ito sa kanya upang ipilit hanggang kahuli-hulihan ang manok nitong si Rep. Romualdez. At nang matapos ang meeting, muli raw tumawag sa kanya ang kongresista at tinutuligsa na nito ang nabuong term sharing decision sa Palasyo kaya dinedma niya na lang daw.
Nag-sorry naman agad si Defensor kay Sara pero mukhang hindi sincere dahil hindi niya pa rin ibinisto ang kanyang source. Hanggang ngayon, hindi pa rin tinatanggap ng Davao City mayor ang public apology ng mambabatas.
Malinaw na hindi katanggap-tanggap para sa Martin camp ang desisyon ni Presidente Duterte. Totoo rin na marami silang galaw para may makatas sila mula sa iba’t ibang scenario. Isa rito ang sinasabi ni Albay Rep. Joey Salceda na susuportahan lang nila si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano bilang House speaker kung ibibigay nito sa kanila ang mga pinupuntirya nilang puwesto. At ang pinakamatindi sa lahat, umaasa sila na mababago pa ang sitwasyon kung magsasalita lang si Mayor Sara.
Comments are closed.