NAKATAKDANG hilingin ng tatlong ACT-CIS congressmen sa liderato ng Kongreso na kung dapat pa bang mag-deploy ng domestic helper (DH) sa bansang Kuwait.
Ayon kina Cong. Eric Yap, Jocelyn Tulfo at Nina Taduran, unang agenda nila ngayong 2020 ay silipin ang kalagayan ng mga DH matapos na isang Pinay na naman ang namatay sa kamay ng kanyang Kuwaiti employer.
Sinabi ng tatlong mambabatas, naka-strike two na ang Kuwait na ang una ay noong 2018 ay pinatigil din ng Pangulo ang deployment sa nasabing bansa matapos matagpuan ang bangkay ng isang Pinay sa loob ng isang freezer.
Makalipas lang ang tatlong buwan, isa pang DH ang pinatay ng kanyang amo at nakitaan pa na may pinasak na bagay sa puwerta nito.
Anang tatlo, dapat pag-usapan na ito ng Kongreso kung ‘worth it’ pa ba na magpapadala ng OFW sa bansang Kuwait.
Sinabi ng tatlo, bagamat kailangan ng mga kababayan natin ang trabaho ay paano naman kung papatayin lang sila ng kanilang mga amo.
Mungkahi ng ACT-CIS na i-ban for life na ang deployment ng mga DH Kuwait, ngunit ang ibang trabaho tulad ng mekaniko, karpintero, driver at iba pa ay ituloy lang ang pagpapadala.
“Tama na, ‘di baleng magdildil ng asin ang mga kababayan nating DH, basta buhay lang at kasama ang kanilang pamilya,” pahayag pa ng ACT-CIS.
Comments are closed.