INIANUNSIYO ng Food and Drug Administration (FDA) na nagsumite na ng kanilang aplikasyon para mabigyan ng emergency use authorization (EUA) ang Bharat Biotech ng India para maibenta sa bansa ang kanilang COVID 19 vaccine na Covaxin.
Ayon kay FDA Dir. Gen. Eric Domingo, ang aplikasyon ng Bharat Biotech ay isinumite sa kanila umaga ng Huwebes.
Ang Bharat Biotech ang pang-limang pharmaceutical company na nagsumite ng aplikasyon para mabigyan ng EUA sa Filipinas.
Dagdag pa ni Domingo, nasimulan na ang pre-evaluation sa aplikasyon ng nabanggit na kompaniya.
Sa ngayon ay ang aplikasyon pa lamang ng US-based Pfizer ang kanilang naaprubahan habang nakabinbin na rin ang EUA ang Gamaleya Research Institute ng Russia, Sinovac Biotech ng China at AztraZeneca ng Britain.
Samantala, inaasahan nang darating sa bansa sa susunod na buwan ang nasa 30 hanggang 40 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 mula sa Covax facility.
Sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez, naghahanda na ang pamahalaan para sa pagdating ng suplay ng bakuna sa Pebrero.
Ang Covax Facility ay kinabibilangan ng WHO, Gavi Vaccine Alliance, Coalition for epidemic preparedness innovations na layong makapagbigay ng 2 bilyong doses ng COVID-19 vaccine sa buong mundo mula sa iba’t-ibang manufacturer ng bakuna kontra COVID-19.
Sinabi ni Galvez, sa ngayon ay hindi pa nila tiyak kung aling manufacturer ng bakuna ang mauunang mag-delay ng COVID-19 vaccine sa bansa, ngunit posibleng ang Pfizer ang mauunang magpadala ng bakuna.
Sa ngayon, nakikipag-negosasyon na ang pamahalaan sa 18 logistic companies para sa ultra-cold storage para sa bakuna.
Batay sa ulat, kakailanganin ng bakunang likha ng Pfizer ang storage facility na may temperaturang nasa negative 70 °C, habang 2 °C hanggang 8 °C naman ang kailangan storage facility para sa bakunang likha ng AstraZeneca.
Comments are closed.