ISANG Indian electric vehicle (e-vehicle) manufacturer ang nasa proseso ng pagtatayo ng sales operations sa bansa sa pag-asang makakuha ng stake sa mass transportation market.
Ang Urban Sphere, na may headquarter sa lungsod ng Bengaluru, ay inaakit dito ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan ng Pilipinas, ayon sa top executive nito.
Sinabi ni Karthik Athreya, ang founder at chief executive officer ng kompanya, na mag-i-invest sila ng P50 million hanggang P100 million sa pagtatayo ng kanilang sales office at car showroom sa Pilipinas.
Pangunahing ipo-promote ng kompanya ang Ivoryline 9m electric bus nito, na iaalok nila sa local transport sector bilang kapalit ng aging public utility jeepneys (PUJs).
Ayon kay Athreya, ang “mini bus” ay may seating capacity na 22 tao, hindi kasama ang driver, ngunit kayang mag-accommodate ng 12 pang tao na nakatayo.
“Our goal is to contribute to the nation’s endeavors to reduce carbon emissions and cultivate environmentally friendly cities. We are confident in our ability to revolutionize the public transportation sector and enhance quality of life by offering a comprehensive solution suite,” pahayag niya sa Philippine News Agency.
Aniya, ang Urban Sphere ay nag-aalok ng “competitively priced vehicles”, na may charging stations at advanced tracking features.
Gayunman ay hindi binanggit ni Athreya kung ano ang posibleng maging unit price ng Ivoryline 9m.
Ang Urban Sphere ay lumahok sa APV (Auto Parts & Vehicles) Expo 2024 sa World Trade Center sa Pasay City noong June 5-7 sa pagsisikap na makakuha ng interes mula sa local transport sector.
Sa mga nakalipas na taon, ang kalakalan sa technological goods sa pagitan ng India at ng Pilipinas ay tumaas sa gitna ng aligned maritime interests.
Noong Abril ay tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang delivery ng first batch ng BrahMos supersonic cruise missiles mula India.
(PNA)