SINAPAK muna bago sapilitang kinuha ang nakolektang pera ng isang negosyanteng Indian national ng dalawang lalaki sa Malabon City.
Ipinag-utos na ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang manhunt operation kontra sa mga suspek na kinilalang sina Erwin Barcenas, 30-anyos at Francis Felices, 22-anyos, kapwa ng VMN Compd., Brgy. Potrero.
Sa imbestigasyon ni SSg Jeric Tindugan, habang nangongolekta ng daily payment sa kanyang lending business (five-six) ang biktimang si Navjeet Tiwari, 38-anyos ng No. 12 Balmaressas Compd., Brgy. Marulas, Valenzuela City dakong alas-11:30 ng umaga sa VMN Compd., Brgy. Potrero, nilapitan ito ng mga suspek at bigla na lamang siyang sinapak habang sapilitang kinuha ang kanyang pera sa bulsa na nasa P22,000.
Matapos nito, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon tangay ang pera habang humingi naman ng tulong sa pulisya ang biktima. EVELYN GARCIA