INDIAN NATIONAL TIKLO SA HIGH GRADE MARIJUANA

ISANG Indian national ang nahulihan ng Kush o isang uri ng high grade marijuana sa ikinasang controlled delivery operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Malate, Maynila.

Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Wilkins Villanueva , nakumpiska kay Yogesh Sahijwani,40-anyos ng Unit C, DB Building, 2532 Lemery St. Malate, Manila ang kalahating kilo ng kush o high grade marijuana.

Nagkakahalaga ng P675,000 ang nabanggit na (hybrid type of cannabis) na isinilid sa 15 plastic sachets na nakalagay sa isang kahon na sinasabing nagmula pa sa Washington, USA.

Dumating ang kahon sa Port of Clark noong Disyembre 3 at nakapangalan sa suspek.

Nabatid na isang control delivery operation ang inilatag ni PDEA Region 3 Director Brian Babang katuwang ang ilang anti-narcotic operatives mula sa PDEA Bulacan Provincial Office, PDEA Clark AIU, PDEA Manila DO, BOC, Malate Police Station (MPD), at Malate SDEU.

Nakuha rin sa consignee ng suspek ang company ID; BIR ID; at isang (1) unit ng Iphone 11.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Sahijwani. VERLIN RUIZ