COTABATO-PATAY ang isang Indian national na money lender ang habang malubhang namang nasugatan ang kanyang Pilipinang kasama sa highway robbery kamakalawa ng umaga sa Barangay Tugal, Midsayap.
Sa ulat ni Lt. Col. John Calinga, hepe ng Midsayap Municipal Police, agad na binawian ng buhay ang biktimang si Juty Singh sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng baril sa katawan nito, habang patuloy namang inoobserbahan sa ospital ang kasamang si Rojane Arandilla na nasugatan sa naturang insidente.
Magkaangkas sa motorsiklo ang dalawa mula sa Datu Piang, Maguindanao del Sur nang sila ay harangin ng mga armadong kalalakihan sa Isang bahagi ng highway sa Barangay Tugal sa Midsayap at sapilitang kinuha ang kanilang mga suot na relo, dalang mga pitaka at sling bags.
Pulmalag si Singh at nagtangkang manlaban kaya agad siyang pinagbabaril ng mga salarin na agad nitong ikinamatay sanhi ng mga tama ng bala sa iba”t ibang parte ng kanyang katawan.
Pinaputukan din ng mga suspek ng ilang beses si Arandilla na ngayon ay patuloy na inoobserbahan sa isang pagamutan.
Ayon kay Calinga, mabilis na tumakas ang mga holdaper tangay ang mga bag ng mga biktima na mag lamang cash na bayad sa mga pautang na kanilang nakolekta sa kanilang mga kliyente sa Datu Piang.
Ayon kay Calinga, patungo sa poblacion ng Midsayap ang mga biktima nang sila ay harangin at holdapin ng mga suspek sa Barangay Tugal. EVELYN GARCIA