INDIAN TIKLO SA PANGHAHALAY SA COLLEGE STUDENT

rape

VALENZUELA CITY –  NADAKIP ang isang Indian national matapos umanong halayin ang 20-anyos na college student na nakilala nito sa online dating site habang ang kasama nito ay ikinandado ng suspek sa loob ng banyo ng bahay nito.

Kinilala ang suspek na si Praveenkuamar Karunaneeth, 24, 2nd year medical student ng Our Lady of Fatima University at residente ng No. 18 B.F. Bautista St., Brgy. Marulas na naaresto ng mga miyembro ng Barangay Marulas Anti-Criminality Tasked Forced Officer (ACTO).

Lumabas sa imbestigasyon, matapos magkakilala ng suspek at ng biktimang itinago sa pangalang “Vina” sa online dating site noong Mayo 31, inimbeta ng lalaki ang babae sa kanyang bahay na pumayag naman sa kondisyon na kasama ang kanyang kaibigan na si Maricar Gilmo, 28, ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Bandang alas-12:00 ng hatinggabi nang dumating ang magkaibigan sa bahay ng suspek at makalipas ang maikling pag-uusap, inalok ng lalaki ang dalawa na uminom ng alak.

Gayunman, nang makaubos ng isang baso ng beer, nahilo ang biktima kaya’t pinatulog ito ng suspek sa kanyang kuwarto habang si Gilmo ay pumasok sa banyo upang umihi subalit, kinandado siya ng lalaki sa loob.

Nang magawang makalabas ni Gilmo, agad itong umakyat sa ikalawang palapag ng bahay para hanapin ang kaibigan at nasurpresa ito nang makitang ginagahasa ng suspek ang walang malay na biktima.

Nang komprontahin ni Gilmo ang suspek, pinagbantaan siya na papatayin kung tangkain nitong lumabas ng bahay.

Gayunman, nagawang makatawag sa cellphone ni Gilmo at makahingi ng tulong sa kanyang ate na nag­resulta sa pagkaaresto sa suspek na nahaharap ngayon sa kasong rape, slight illegal detention, at dalawang bilang ng threat resisting arrest sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. EVELYN GARCIA

Comments are closed.