INDIGENOUS PEOPLES, DAPAT MAGKAROON NG RESOURCE CENTERS

SA DAMI ng mga trahedya, sakuna at krisis na pinagdaraanan natin sa kasalukuyan, ang higit na tumatanggap ng matinding hagupit ay ang mga kababayan nating mahihirap. At kabilang sa kanila ang mga kaawa-awa nating katutubo o IPs. Kung malubhang dagok ang dinaranas natin sa mga sunod-sunod naproblema, paano pa kaya sila?

Isang panukalang batas ang itinutulak natin ngayon sa Senado – ang Senate Bill 1167 o ang Resource Centers for Indigenous Peoples Act of 2022. Ano ba ang kahalagahan nito?

Layunin po natin dito na makapagtayo ng indigenous cultural communities o IP resource centers para mas mailapit ng gobyerno ang serbisyo para sa kanila. Sa pamamagitan ng resource centers na ito, mas madali para sa National Commission on Indigenous Peoples o NCIP na tukuyin ang mga lugar na kinaroronan ng ating IPs at maipahatid ang mga pangangailangan nila at mabatid ang kanilang mga suliranin.

Sa ilalim po ng ating panukala, ang resource centers ay may tatlong bahagi: ang Statistical Service Area, HumanDevelopment Index Service Area at ang Domains Management Service Area.

Ito pong Statistical Service Area ang tututok sa documentation at pagkilala sa indigenous cultural communities (ICCs) at IPs. Ang Human Development Index Service Area naman ang tutugon sa mga problema ng mga katutubo at magkakaloob sa kanila ng tulong at iba pang serbisyo. Ang Domains Management Service Area naman ang nakatalaga sa promosyonng participatory programs, projects at iba’t ibang aktibidad para sa ating IPs.

Sa kasalukuyan, daan-daang IP groups sa bansa ang nananatili sa 14 million-17 million ICCs. Bagaman patuloy ang pagsusulong sa kanilang karapatan at kapakanan, nakalulungkot na hanggang sa kasalukuyan, nananatiling sila ang pinaka-napababayaan ng mga kinauukulan.

Sabi sa mga pag-aaral, 6% lang daw ang po­pulasyon ng IPs sa buong mundo. Pero ang masakit dito, ganoon man kaliit ang kanilang populasyon, sila naman ang bumubuo sa 20 porsiyentong pinakamahihirap na mamamayan sa buong globa.

Isinusulong po natin ang ating panukalang pagkakaroon ng resource centers upang mas maging bukas sa pamayanan ang kinasasadlakan ng ating IPs. Kinakailangang magkaroon tayo ng public data ukol sa ICCs o sa kanilang mga komunidad para mas maging madaling alamin ang kanilang sitwasyon, mas madali para sa gobyerno ang padalhan sila ng iba’t ibang tulong at mgamahahalagang serbisyo.

Sa mga panahong ito na hindi pa rin tayo nakaaalpas sa mga krisis tulad ng pandemya at pang­kabuhayan, napaka-importante na wala tayong naiiwang kababayan na napaaabutan ng tulong.