KABILANG ang mga kompanya mula sa Indonesia at South Korea na nagpahayag ng interes sa rehabilitasyon ng Marawi City makaraang ma-disqualify ang isang Chinese-led consortium.
Ayon kay Task Force Bangon Marawi chairperson Eduardo Del Rosario, ang naturang mga kompanya mula sa dalawang bansa ay magsisilbing ‘back up’ sakaling bumagsak ang isinasagawang negosasyon sa isa pang Chinese firm, ang China Power.
Ang groundbreaking para sa rehabilitasyon ng dating battle zone ng Marawi City ay muling ipinagpaliban dahil sa mga isyu sa procurement process.
Sinabi ni Del Rosario na ang groundbreaking ay iniurong sa Setyembre 19 makaraang ma-disqualify ang Chinese-led Bangon Marawi consortium dahil sa kawalan ng pinansiyal na kakayahan sa pagsasakatuparan ng proyekto.
Gayunman, sinabi niya na ang pagkakaantala na ito ay hindi dapat makaapekto sa target deadline ng pagkumpleto sa rehabilitasyon sa Disyembre 2021, wala nang isang taon bago magtapos ang 6-year term ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kasalukuyan, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay may 1,674 pamilya ang nananatili sa evacuation centers, habang nasa 10,934 pamilya ang ‘home-based’ o pansamantalang tumutuloy sa kanilang mga kaanak sa mga kalapit na lugar.
Comments are closed.