INDONESIANS BANTA SA PINOY TRIATHLETES SA VIETNAM SEA GAMES

TINIK sa lalamunan ng Pilipinas ang Indonesia sa kampanya nitong makumpleto ang sweep kapwa sa duathlon at triathlon events sa 31st Southeast Asian Games.

Binanggit ni national duathlon and triathlon coach Melvin Fausto ang Indonesians bilang pinakamalaking banta sa Filipino bets sa kanilang hangaring maiuwi ang lahat ng apat na  golds na nakataya sa dalawang endurance, multi-sports events sa May 12-23 biennial showcase sa Hanoi, Vietnam.

Sa virtual Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kamakailan, sinabi ni Fausto na banta rin para sa golds ang Singapore, Malaysia, at maging ang host country.

“Indonesia is the next country to watch for in terms of triathlon,” ani Fausto, na sinamahan ni 2019 SEA Games men’s triathlon gold medal winner John Chicano sa weekly session.

“Ang Indonesia hindi siya nawawala ngayon kasi kilalang-kilala ko ang coach nila, nakasama ko iyan. Kaya alam ko ang mga methods and strategies niya. Indonesia is growing and well supported ang triathlon nila doon. Then next ang Singapore and Malaysia, iyan ang mga nakikita natin.”

Sinang-ayunan ni Chicano si Fausto, at binanggit ang tatlong bansa bilang top contenders para sa duathlon, kung saan siya sasabak kasama si Raymund Torio.

“Andiyan ‘yung Singapore and Malaysia,. Vietnam meron din sigurado,” sabi ni Chicano sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Unilever, Amelie Hotel Manila, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ang triathlon ay nadominahan ng Pilipinas magmula pa noong 2015 sa Singapore, kung saan winalis nito ang golds kapwa sa men at women’s side sa nakalipas na tatlong edisyon, kabilang ang 2019 SEA Games dito sa bansa, sa pangunguna nina Chicano at Kim Mangrobang.

Gayunman, si Chicano ay nakalista bilang reserve lamang sa men’s triathlon, at sa halip ay pangungunahan ang kampanya ng bansa sa duathlon, habang magbabalik si Mangrobang para idepensa ang kanyang titulo kung saan target niya ang ikatlong sunod na gold sa meet.

Pangungunahan ni Kim Remolino, silver medalist noong 2019 sa likod ni Chicano, ang kampanya sa men’s triathlon kasama si  Fernando Casares, habang sa women ay sasamahan ni Raven Alcoseba sina Mangrobang at Lauren Plaza bilang reserve.

Samantala, si Casares ay nakalista bilang reserve sa duathlon, habang sasabak sina Mangrobang at Alex Ganzon Dumaran sa women’s side, kasama si Alcoseba bilang reserve.

Bukod kay Fausto, magsisilbi ring coaches sina Ani De Leon at George Vilog, kasama si Maya Montecillo Bono bilang manager para sa men at women’s teams ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP).

Ang duathlon at triathlon competitions ay nakatakda sa Mayo 14 at 15, ayon sa pagkakasunod. CLYDE MARIANO