NAGTIPON-TIPON ang mga pangunahing stakeholder sa industriya ng asukal sa Lungsod ng Bacolod noong Nobyembre 2024, para sa kauna-unahang Joint Sugar Tripartite Council-District Tripartite Council (STC-DTC) Congress upang magkatuwang na bumuo ng mga estratehiya para sa muling pagpapasigla ng sektor kasabay ng pagtitiyak sa kapakanan ng mga manggagawa sa asukal.
Naging daan ang tatlong araw na kaganapan para sa iba’t ibang stakeholder na talakayin ang mga mungkahing pagbabago sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) 6982, o ang Sugar Amelioration Act of 1991.
Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Department of Labor and Employment Western Visayas (DOLE VI) Regional Director Atty. Sixto Rodriguez, Jr. ang pangako ng mga stakeholder na iangat ang buhay ng mga mahihinang manggagawa sa industriya ng asukal.
Inilarawan niya ang kaganapan bilang isang plataporma upang isulong ang mga prinsipyo ng RA 6982, na tinawag niyang “isang aksyon para sa hustisyang panlipunan” na kumikilala sa mahahalagang kontribusyon ng mga manggagawa sa asukal at pagtitiyak na bibigyang-prayoridad ang kanilang mga karapatan at kapakanan.
Binuksan ang kongreso ng mga talakayan ukol sa mga pagbabago sa industriya, mahahalagang tagumpay ng SAP, at pagsusuri sa mga iminungkahing pagbabago. Itinampok sa ikalawang araw ang pagbabahagi ng ‘best practice’, balidasyon ng mga output, at ang pagtatapos ng seremonya.
Sa kanyang pangwakas na pananalita, binigyang-pagkilala ni Undersecretary for the Workers’ Welfare and Protection Atty. Benjo Santos M. Benavidez ang mga kontribusyon ng mga kalahok sa pagbabalangkas sa saklaw ng programa at pagtukoy ng mga kinakailangan sa pagbibigay ng mga benepisyo.
“Ang inyong mga pagsisikap ay naglatag ng isang malinaw na patnubay sa kung sino ang dapat tumanggap,” pahayag ng Labor Undersecretary, kasabay ng panawagan para sa isang mas mahusay at pinasimpleng proseso ng pagbibigay ng benepisyo.
“Sana ma-ameliorate natin ang buhay ng mga manggagawa sa sugar industry at sana mas maging produktibo rin ang mga negosyo ng mga stakeholders […] gusto lang natin ay disenteng trabaho para sa ating mga workers sa sugar industry,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni DOLE Assistant Secretary Amuerfina R. Reyes ang magkatuwang na responsibilidad ng mga planter, miller, at manggagawa sa pagpapanatili ng isang malakas at produktibong industriya ng asukal. Nanawagan siya para sa pagkakaisa, pagtutulungan, at pagsusuri sa patakaran upang mas mahusay na matugunan ang mga hamon na kinakaharap ng mga manggagawa.
“Ang ating mga planters, millers at manggagawa ay may magkakatuwang na papel na ginagampanan sa pagtataguyod ng isang matatag at produktibong industriya ng asukal,” aniya, at kanyang hinimok ang mga stakeholder na tugunan ang mga kinakailangan para sa implementasyon ng SAP.
Kasama ang mga miller, planter at grupo ng mga manggagawa ng asukal, nagtapos ang kongreso sa pagbisita sa mga plantasyon ng asukal. Itinanghal ni Atty. Brando D. Noroña ng Sugar Regulatory Administration ang isang industry situationer at pinangunahan ang isang bukas na talakayan sa mga pangunahing isyu at alalahanin na ipinahayag ng mga kalahok.
Inorganisa ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ang kaganapan, sa pamumuno ni Director Ahmma Charisma Lobrin-Satumba, upang hikayatin ang mga stakeholder na tukuyin ang mga kinakailangang pagbabago sa IRR ng Social Amelioration Program. Naging daan ang Kongreso upang talakayin ang mga hakbangin para sa pagpapahusay ng industriya at tiyakin ang proteksyon at kapakanan ng mga manggagawa sa asukal.