MAY 13 pang proyekto ang inendorso ng Board of Investments (BOI) para sa green lane treatment.
Ayon kay BOI Director Ernesto delos Reyes Jr., ang 13 karagdagang proyekto na binigyan ng green lane certificates ay may kabuuang investments na nagkakahalaga ng P210.46 billion.
Sa datos ng BOI, ang lahat ng proyektong ito ay nasa renewable energy (RE) sector.
Walo sa 13 proyekto ay onshore wind, na may investments na nagkakahalaga ng P110.73 billion, at matatagpuan sa Nueva Ecija, Zambales, Rizal, Guimaras, Negros Oriental, Agusan del Norte, at South Cotabato. Dalawa sa mga proyekto ay itatayo sa Agusan del Norte.
Apat ang solar projects na may combined investments na P88.33 billion at itatayo sa Pangasinan, Zambales, Tarlac, at Cebu.
Isang offshore wind project ang inendorso rin para sa mas mabilis na pagproseso ng documentary requirements na may investment na P11.4 billion at itatayo sa Iloilo.
Ang BOI, sa pamamagitan ng One-Stop Action Center for Strategic Investments (OSAC-SI) nito, ay nagkakaloob ng green lane certificates sa mga proyekto na may malaking epekto sa ekonomiya.
Ang pagproseso ng kanilang permits sa national at local government levels ay pabibilisin.
Samantala, sinabi ng BOI na binigyan din nito ng green lane certificate ang 36-megawatt ML1 Data Center project ng A-FLOW Properties I Corp. sa Biñan, Laguna.
Ang kompanya ay isang joint venture ng Singapore-based FLOW Digital Infrastructure at AyalaLand Logistics Holdings Corp.
Inaasahang susuportahan ng Biñan project nito ang digital infrastructure ng bansa.