(Inendorso para sa green lane) P4.51-TRILLION INVESTMENTS

HALOS dalawang taon magmula nang ipalabas ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order 18 na nagtatatag sa Green Lanes for Strategic Investments, inendorso ng Board of Investments (BOI) One-Stop Action Center for Strategic Investments (OSAC-SI) ang P4.51 trillion na halaga ng mga proyekto para sa mas mabilis na pagproseso ng mga permit at lisensiya sa national government agencies (NGAs) at local government units (LGUs).

Ayon kay BOI Director Ernesto Delos Reyes, hanggang Dec. 20, nasa 173 proyekto ang ginawaran ng green lane certification.

Karamihan sa sinertipikahang mga proyekto ay nasa renewable energy (RE) na may 139 proyekto at nagkakahalaga ng P4.11 trillion.

“Kasalukuyan naming tinatalakay sa Department of Energy ang pag-facilitate sa RE investments, inaayon ito sa kanilang Energy Projects of National Significance,” aniya.

Sinabi ni Delos Reyes na may 22 food security projects na may investments na P13.95 billion ang ginawaran ng green lane endorsement, idinagdag na naaayon ito sa food security goals ng administrasyong Marcos.

Ang digital infrastructure sector ay may walong proyekto sa ilalim ng green lane na nagkakahalaga ng P352.13 billion, habang ang manufacturing ay may apat na proyekto na may investments na P36.91 billion.

Sinabi pa ni Delos Reyes na P1.65 trillion o 36 percent ng investments na sinertipikahan bilang green lane ay nagmula sa sources.

Aniya, ang top foreign investments na may green lane certification ay kinabibilangan ng Singapore, Thailand, at British Virgin Islands.