(Infection sa Hubei sumirit) 14,480 BAGONG KASO NG COVID-19

Hubei

NAKAPAGTALA  ng  14,480 na panibagong kaso ng coronavirus disease o COVID-19  sa  probinsiya ng Hubei  sa China.

Sa nakalipas na magdamag,  naitala ang panibagong kaso ng sakit  na dahilan upang umabot na sa 60,287 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Kaugnay nito ay inihayag ng World Health Organization (WHO) na wala silang nakikitang isyu hinggil sa “transparency” ng China, kaugnay sa COVID-19.

Paliwanag ni WHO Representative to the Philippines, Dr. Rabindra Abeyasinghe, anumang ibinabahaging impormasyon ng China tungkol sa COVID-19 sa kanila ay kanilang labis na ikinalulugod.

Ayon pa kay Abeya­singhe, mas importante sa ngayon na nagbibigay ng mga mahahalagang detalye ang China upang makatulong ang WHO sa pagsugpo sa kumakalat na virus.

Samantala, iginiit ng WHO na hindi dapat magdulot ng pagkaalarma sa publiko ang mortality rate sa China.

Sinabi ng WHO official na mas mainam na bigyang-pansin ang recovery rate sa sakit, na iniulat ng Chinese government, na aabot na sa 3,900 ang cleared o naka-rekober na.

Inaasahan pa aniya nilang darami pa ito dahil kung mas marami ang sasailalim sa pagsusuri ay mas marami rin ang magagamot.

Nabatid na hanggang nitong Huwebes, umaabot na sa 1,367 ang iniulat na binawian ng buhay dahil sa COVID-19, habang nakapagtala naman ang Hubei province sa China ng 242 bilang ng mga nasawi sa nakalipas lamang na magdamag, na siyang pinakamataas na bilang ng nasawi dahil sa sakit, na naitala nila sa isang buong araw lamang.

Samantala, sa Filipinas, iniulat naman ng Department of Health (DOH) na nananatili pa rin sa tatlo ang kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Sa naturang bilang, dalawa ang nakarekober na habang isa ang binawian ng buhay.

Kasama ang mga ito sa 441 na kabuuang bilang ng mga indibiduwal na iniulat ng DOH na iti­nuturing nilang patients under investigation (PUIs) dahil sa COVID-19 hanggang 12:00 ng tanghali ng Pebrero 13, 2020.

Sa naturang bilang, 230 naman ang nananati­ling naka-admit sa mga pagamutan, 206 ang pinayagan nang makauwi ngunit under strict monitoring pa rin, habang dalawa pa ang binawian ng buhay dahil sa pneumonia.

Nasa 252 naman na umano sa kanila ang nagnegatibo sa virus sa isinagawang pagsusuri, habang nakabinbin pa ang resulta ng pagsusuri sa may 186 PUIs. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.