KAILANGAN ng bansa ang mga akmang hakbang para kontrahin ang ‘inflation’ o patuloy na paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin na sadyang banta sa pagsulong ng Filipinas. Ito ang pahayag ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, isang kilalalang ekonomista at ‘focal person’ sa ‘inflation’ sa Kamara.
Lumobo ang ‘inflation’ at umabot ito ng 6.4% nitong nakaraang Agosto. Ang Bikol, ang rehiyon ni Salceda, ang nagtala ng pinakamataas na ‘inflation rate’ sa buong bansa, na umabot sa 9%. Sumipa ang presyo ng gulay na tumaas ng 27%, isda 20%, mais 17.7%, at bigas 12.5%. Nakaaalarma ito, ayon kay Salceda dahil pang-apat ang Bikol sa pinakamahirap na rehiyon sa bansa.
Sinabi niyang ang 9% ‘inflation rate’ na lumukob sa Bikol ay “sadyang banta sa pag-unlad ng bayan dahil lalong dadami ang mahihirap at lalala ang gutom at malnutrisyon na makaaapekto sa pisikal at pangkaisipang kakayahan ng mga mamamayan.”
Bigas ang pinakamatinding angkla ng pagsipa ng ‘inflation’ kaya kailangang tiyakin ng pamahalaan na may murang bigas ang NFA sa merkado at paigtingin ng ahensiya ang pamimili ng palay ngayong anihan simula sa Oktubre para protektahan ang mga magsasaka. Dapat bigyan din ng DOE ng ‘fuel vouchers’ ang maliliit na mangingisda para tulungan sila at mapataas ang kanilang huli, panukala ni Salceda.
Kasama rin sa mga panukala niya ang pamamahagi ng libreng mga binhi ng mga gulay, pagtatanim ng mga gulay sa bakuran at mga paaralan at isulong ng Sangguniang Barangay ang programang ‘Gulayan sa Barangay, pagpapaigtiing sa feeding program ng DepEd, pagpapalakas ng DOLE sa programang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged-Displaced Workers nito, pagpapalabas sa programang Bantay Dagat at marami pang iba.
Pinuri ni Salceda ang kalalabas na Administrative Order No. 43 ni Pangulong Duterte na naglalayong pigilan ang patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin, kasama ang mga paraan sa pag-angkat nito.
Comments are closed.