INFLATION BIBILIS SA 4.9%

INFLATION

INAASAHAN ng Department of Finance (DOF) na maitatala sa 4.9 percent ang inflation para sa buwan ng Mayo sa likod ng supply problems na nakaaapekto sa presyo ng pagkain at ng pagtaas ng presyo ng ‘sin’ products.

Ang 4.9 percent forecast ay mas mataas sa aktuwal na inflation rate na naitala ng ekonomiya ng bansa noong Abril na 4.5 percent, gayundin sa 2.8 percent na naiposte sa kahalintulad na buwan noong 2017.

“Inflation in May likely inched to 4.9 percent year-on-year in May, up from the previous month’s 4.5 percent. Supply problems continue to affect food prices with vegetables accelerating to 1.4 percent month-on-month from negative levels since February, while the levels of rice and fish are slowing down to 0.52 percent and 0.72 percent, respectively,” ayon sa DOF.

Sa food commodities, ang presyo ng isda ay nakikitang maitatala sa 13.6 percent para sa Mayo, mula sa 12.4 percent sa naunang buwan, at 7.5 percent sa Mayo 2017. Ang presyo ng gulay ay maaari namang tumaas sa 9.3 percent, mula sa 6.8 percent sa naunang buwan at sa 2 percent noong Mayo 2017.

Samantala, ang presyo ng non-alcoholic beverages ay maaari ring su­mirit sa 11.5 percent, mas mataas sa 9.3 percent na naitala noong Abril, at sa 0.9 percent noong Mayo ng nakaraang taon.

Ang presyo ng bigas ay nakikitang maitatala sa 4.7 percent mula sa 4.3 percent sa naunang buwan, at sa 1.1 percent na naire­histro sa kaparehong buwan noong 2017. REA CU