INFLATION BUMILIS PA

PATULOY sa pagbilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo na naitala sa 6.9 porsiyento sa buwan ng Seteymbre sa likod ng pagsipa ng presyo ng pagkain at enerhiya, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang headline inflation na 6.9 porsiyento ay mas mataas sa 6.3 porsiyento na naitala noong Agosto at sa 4.2 porsiyento noong Setyembre ng nakaraang taon.

Gayunman, sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay posibleng umabot ito sa 6.6 porsiyento hanggang 7.4 porsiyento kung magpapatuloy ang pagbills ng inflation.

Ipinarating kay Presidente Bongbong Marcos ni National Statistician Claire Dennis Mapa ang sitwasyon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, partikular ang halaga ng pagkain na sinasabing may pinakamataas na rate mula nang maitala ang 6.9 porsiyento noong Setyembre at Oktubre taong 2018 sa kasagsagan ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang produkto.

Sinabi ni Mapa na ang pinakahuling inflation record ay malapit na maikukumpara sa peak na 7.2 porsiyento na nairehistro noong buwan ng Pebrero taong 2009 o sa panahon ng global financing crisis na malawakang tinutukoy bilang ‘The Great Recession’.

Bahagya namang bumaba ang core inflation sa 4.5 porsiyento noong Setyembre mula sa 4.6 porsiyento noong buwan ng Agosto.

Ito, gayunman, ay maituturing na mas mabilis kaysa sa 2.6 porsiyento na naitala noong nakaraang taon.

Sa kabila ng naturang istatistika, naniniwala si Finance Secretary Benjamin Diokno na magpapatuloy ang paglago ng negosyo sa bansa at sa pagpupursigi ni Presidente Marcos ay matutugunan ng gobyerno ang lahat ng pangangailangan sa kaunlaran, partikular sa mga gastusin sa mahahalaga at makabuluhang proyekto.

Sinab ni Diokno na ang Bureau of Internal Revenue BIR) at Bureau of Customs (BOC) ay magkatuwang sa kanilang masigasig na tax drive para mapalaki o madagdagan ang koleksiyon ng buwis para tustusan ang mga nakahanay na proyekto ni Presidente Marcos sa anim na taong panunungkulan nito.

Sa kanyang panig, sinabi ni BIR Commissioner Lilia Guillermo na inatasan nito ang 24 regional directors at halos 214 revenue district officers sa bansa na mas paigtingin ang pagkolekta ng buwis para sa kapakanan ng bansa.

Inihudyat ni Guillermo ang pagsasagawa ng tax-mappping campaign sa lahat ng dako ng bansa at ang pagkumbinsi sa taxpaying-public na tumupad sa kanilang tax obligations at iwasan ang pandaraya sa pagbabayad ng buwis para sa kaunlaran ng bansa.

Kamakailan ay pinasinayaan ni Guillermo, asama ang kanyang mga deputy commissioners at assistant commissioner, ang bagong gusali ng Pasig City BIR Revenue District Office na pinamumunuan ni RDO Deogracias Villar sa pangunguna ni BIR East NCR Regional Director Ed Tolentino.

Si Director Tolentino ay kabilang sa mga key official na naka-meet ng kanilang tax collection goal at umaasang makukuha ang minimithing target tax collection bago matapos ang 2022.

Ang ilan pang naka-goal, bukod kay Tolentino, ay sina Manila BIR Regional Director Albin Galanza, South NCR Regional Director Dante Aninag, Makati City BIR Regional Director Jethro Sabariaga, Quezon City BIR Regional Director Bobby Mailig at Caloocan City BIR Regional Director Gerry Dumayas.

Sa kabila ng epektong dulot ng inflation sa bansa, kumpiyansa pa rin sina Secretary Diokno at Commissioner Guillermo na kayang kolektahin ng Kawanihan ng Rentas at Aduana ang mga iniatang sa kanilang tax collection goal.

Si BIR Deputy Commissioner for Operations Romeo Lumagui, Jr. ay binigyan ng direktiba ni Commissioner Guillermo na sumama sa lahat ng pagpupulong o conferences ng mga regional at district office upang gabayan ang mga key official na galugarin ang lahat ng establisimiyento sa bansa upang mapalaki ang koleksiyon sa buwis at makuha ang tax collection goal ng BIR.

(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag- email sa [email protected].)