BAHAGYANG bumilis ang inflation rate noong Hunyo matapos ang mahigit tatlong buwang pagpapairal ng community quarantine bunsod ng coronavirus pandemic, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa report ng PSA, nasa 2.5 percent ang inflation rate noong nakaraang buwan, mas mataas kumpara sa 2.1 percent noong Mayo subalit mas mababa sa 2.7% na naitala sa kahalintulad na panahon noong 2019.
Paliwanag ni National Statistician Claire Dennis Mapa, ang pagtaas sa transport costs gaya na lamang ng pamasahe sa tricycle nang magbalik ito sa biyahe ang pangunahing dahilan ng pagbilis ng inflation.
Nakaapekto rin sa inflation ang mas mataas na presyo ng alcoholic beverages at tobacco products.
Sinasabing nakapag-ambag sa pagsipa ng inflation ang mataas na halaga ng pabahay, tubig, koryente, gasolina at iba pang fuels.
“The latest inflation outturn is consistent with the BSP’s prevailing assessment that inflation pressures remain limited due largely to the adverse impact of COVID-19 pandemic and on the domestic and global economic conditions,” pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kasunod ng PSA report.
Ayon pa sa report, nagsimulang bumilis ang inflation nang magluwag ang pamahalaan sa ipinatutupad na community quarantine sa bansa.
Ibinalik ang public transportation simula Hunyo 1 makaraang suspendihin ang kanilang biyahe noong Marso dahil sa banta ng COVID-19.
Ang pasahe sa tricycle sa buwan ng Hunyo ay tumaas ng 26% o umaabot sa P17 mula sa dating P12 kada pasahero.
“The uptrend in the June 2020 inflation was primarily brought about by the annual increment in the Transport index at 2.3 percent, from a 5.6 percent annual decrease in May 2020,” paliwanag pa ni Mapa. VERLIN RUIZ
Comments are closed.