INFLATION PANSAMANTALA LANG-DOF

TAHASANG sinabi ng Department of Finance (DOF) na pansamantala lamang ang nararanasang inflation sa mga pangunahing bilihin.

Ito ang reaksiyon sa harap na rin ng patuloy na pagtaas ng inflation rate sa bansa kung saan umabot na sa 6.7% noong nakaraang buwan ng Set­yembre.

Ipinaliwanag ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino, ang  pa­ngunahing dahilan ng inflation ay ang pagtaas sa halaga ng bigas, poultry products, gulay at isda.

Dahil dito, sini­guro ng Malakanyang na hindi binabalewala ang sitwasyong kinalalagyan ngayon ng bansa laban sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, alam ng pamahalaan ang nararamdaman ng ating mga kababayan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya gumawa na ng mga hakbang ang pamahalaan para matugunan ito.

Ani Roque, inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order bilang 13 na nagpapabilis ng mga proseso sa importasyon ng mga agricultural products tulad ng bigas na naglalayong mapababa ang presyo nito sa pamilihan.

Kasabay ng administrative order ay inilabas din ng Malakanyang ang Memorandum Order bilang 26, 27 at 28 para mapatatag ang presyo ng basic agricultural products at mapanatili ang supply nito sa merkado.

Layunin nito na maprotektahan ang mamamayan laban sa mga mapagsamantalang negosyante.

Kaya naman umaasa ang Malakanyang na dahil dito ay magsisimula nang bumaba ang presyo ng mga bilihin sa bansa.

Ipinaliwanag pa ni Lambino, mismong si Pangulong Duterte na rin ang nagsabi na bawasan ang bureaucracy sa pro­seso ng importation para mas mabilis na mapakinabangan ng sambayanan ang ilang mga imported product lalo na ng mga pagkain.

Binuhay na rin ng Department of Agriculture ang ilang mga special market na magbebenta ng mga murang bigas, gulay at isda na direktang nagmula sa mga lalawigan.

Gayundin, noong isang linggo ay sinibak ng pangulo ang ilang mataas na opisyal ng Bureau of Customs sa Zamboanga City makaraang mawala sa mga bodega ang 23,000 sako ng nasabat na smuggled rice mula sa bansang Malaysia.

Comments are closed.