NANAWAGAN sa pamahalaan ang isang Obispo ng simbahang Katolika na pababain ang inflation rate at bigyan ng trabaho ang mamamayang Pilipino.
Ang panawagan ay hiniling ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo matapos muling maranasan ang pinakamataas na inflation at unemployment rate.
“Alam nating may problema at gusto natin malaman na yun man lang ay mayroong paraan at ginagawa ito ng gobyerno para mapigilan, mapababa ang inflation at mabigyan ng trabaho ang mga mamamayan,” sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Mensahe rin ng Obispo sa mamamayan at manggagawa na huwag mawalan ng pag-asa at ugaliin ang pagtitipid sa panahon sa matinding krisis ng ekonomiya.
Ito ay upang magkasya ang kanilang pera sa mga gastusin at patuloy na maitaguyod ang kanilang mga pamilya.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, 8.7% noong Enero 2023 at 2.22 Million na unemployment rate noong December 2022. PAUL ROLDAN