NAGDARAOS na ng health education campaign ang Department of Health (DOH) sa mga paaralan sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) upang mabigyan ang mga mag-aaral at mga guro ng sapat na kaalaman at impormasyon laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Layunin nitong mabawasan ang takot at pangamba ng mga estudyante at kanilang pamilya laban sa COVID-19, at mabigyan sila ng sapat na kaalaman kung paano maiiwasan ang naturang sakit.
“We have to properly educate and inform our students on what COVID-19 is all about to avoid confusion and panic and how it can be prevented. Ang mga eskuwelahan lalo na ang mga pribado ay itinuturing na entry at exit point ng coronavirus dahil sa mga dayuhang estudyante at kasama na dito ang iba pang madalas lumalabas ng bansa upang umuwi o magbakasyon,” paliwanag pa ni Regional Director Eduardo Janairo.
Ayon kay Janairo, bagamat wala pang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Calabarzon, nais nilang nasa ayos na ang mga kakailanganing health measures upang masugpo at maiwasan ang pagkalat ng virus sa rehiyon.
“Calabarzon has no confirmed case of COVID-19 yet but health measures to contain and prevent its spread are in place should there be a need to implement an emergency procedure,” pagtiyak pa ng health official.
Nag-iikot na rin aniya sa mga paaralan ang mga miyembro ng Rapid Response Unit (RRT) ng DOH-Calabarzon, na binubuo ng Emerging and Re-emerging Infectious Disease Program (EREID), Health Emergency Management Service (HEMS), Health Education and Promotion Unit (HEPU) at ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), at nagbibigay ng sapat na edukasyon sa mga estudyante hinggil sa COVID-19.
Nagdaraos sila ng serye ng mga talakayan kung paano nagsimula ang COVID-19, ano-ano ang mga sintomas nito, kung paano ito naikakalat, gayundin ang kumplikasyon nito at paano ito maiiwasan.
Nagbibigay rin sila ng national at global updates sa mga Grade 7 hanggang Grade 10 students, kabilang na ang tamang pagsusuot at pag-dispose ng mga masks, at tamang paghuhugas ng kamay.
Hinikayat din ni Janairo ang mga mag-aaral na tumulong sa pagpapakalat ng tamang impormasyon hinggil sa virus sa kanilang pamilya at iwasan ang pagkakalat ng mga fake news hinggil dito online.
Ang DOH lamang ang tanging ahensiya ng pamahalaan na makapagbibigay ng tamang impormasyon hinggil sa COVID-19.
Nilinaw naman ng DOH-Calabarzon na ang information dissemination na isinasagawa nila sa mga paaralan ay suportado ng guidelines ng Commission on Higher Education (CHEd) upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at inisyu noong Pebrero 2020.
Matatandaang pinapayuhan ng DOH ang publiko na magkaroon ng proper hygiene upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.