INFO DRIVE SA PLEBISITO NG BOL PAIIGTINGIN NG COMELEC

comelec

PLANO ng Commission on Elections (Comelec) na paigtingin pa ang information drive para sa idaraos na plebisito sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa susunod na buwan, kasunod ng ilang misconception ng mga botante hinggil dito.

Lumagda na ang Comelec ng memorandum of agreement (MOA) kasama ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), at ang Bangsamoro Transition Commission (BTC) para paigtingin ang naturang information drive at kung paano isasagawa ang referendum para sa BOL.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, isa sa mga nakikita nilang misconception sa plebisito ay ang pangangailangan pa ng mga botante ng identification (ID) card sa gagawin nilang pagboto.

Kaagad namang ni­linaw ni Jimenez na hindi na kailangan ng ID sa gagawing pagboto at sa halip ay dapat lamang na magtungo sa polling area.

“The biggest misconception we are getting, is that you have to have an ID to be able to vote in a plebiscite. That’s why we have sent word to our officials in the field that they (voters) don’t need to present an ID to vote,” paliwanag ni Jimenez.

“They just have to come to the polling area and we will check their name on the registered voters’ list, precinct number and at most, ask them when is their birthday. But no ID will be needed,” aniya pa.

Nabatid na ang ple­bisito sa BOL ay nakatakdang idaos sa Enero 21 at Pebrero 6, 2019 upang matukoy kung maraming residente sa mga lalawigan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang pumapayag na tuluyan nang buwagin ang ARMM at maitatag ang Bangsamoro Region.

Sa ilalim ng BOL, ang Bangsamoro Autonomous Region ay pamumunuan ng Bangsamoro Parliament na ihahalal ng mga naninirahan sa rehiyon.

Kasama sa mga boboto sa plebisito sa Ene­ro 21, 2019 ang mga botante mula sa ARMM, Isabela City sa Basilan, at Cotabato City, habang sa Pebrero 6, 2019 BOL referendum day ay para sa Lanao del Norte, maliban na lamang sa Iligan City, at anim na munisipalidad sa North Cotabato.

Nabatid na nasa 2.8 milyong balota ang natapos nang ipaimprenta ng Comelec para sa plebisito hang-gang kahapon, at nakatakda itong ibiyahe patungong ARMM sa unang linggo ng Ene­ro. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.