ISANG informant ang tumanggap ng cash reward na P420,000 mula sa Philippine National Police (PNP) makaraang magpositibo ang ibinigay nitong impormasyon at nagresulta sa pagkakaaresto sa most wanted person sa Bicol Region.
Ang naturang reward money ay personal na iniabot ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr sa informant kamakalawa.
Dahil sa impormasyong ibinigay, naaresto si Gilbert Concepcion sa Barangay San Martin De Porres, Parañaque City noong Enero 24.
Si Concepcion ay lider ng Concepcion Criminal Gang na kumikilos sa Bicol Region at wanted sa kidnapping, murder, rape, at direct assault.
“The informant’s invaluable information exemplifies the effectiveness of collaborative efforts between the community and law enforcement,” ani Acorda.
Aniya, nananatiling handa ang PNP na kilalanin at bigyan ng gantimpala ang mga makapagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad para maaresto o pasukuin ang most wanted criminals.
Hinimok din ni Acorda ang mga mamamayan na manatiling alerto at isumbong ang anumang impormasyon na makatutulong para mahuli ang mga kriminal.
EVELYN GARCIA