UMABOT sa halos P700 million ang halaga ng pinsala ng bagyong Enteng at ng pinalakas na Habagat sa imprastruktura sa anim na rehiyon sa bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Base sa latest situational report ng NDRRMC, ang Bicol Region ay nagtamo ng pinakamalaking pinsala sa imprastruktura na nagkakahalaga ng P356.1 million. Sumunod ang Cagayan Valley na may P111.9 million at Cordillera Administrative Region (CAR) na may P50.3 million.
Sa kabuuan, mahigit 500 imprastruktura sa buong bansa ang napinsala na nagkakahalaga ng P698.9 million.
Dalawampu’t limang kalsada at 10 tulay ang hindi pa rin madaanan sa ilang lugar.
Kabuuang 7,622 bahay ang nasira dahil sa inclement weather — 493 ang totally destroyed at 7,129 ang kailangang kumpunuhin.
Ang bagyo at Habagat ay nagdulot din ng P658.9 million na halaga ng agriculture damage o production loss sa Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, at Eastern Visayas.
“Nung [bagyong] Carina, may na-damage na rin sa atin. Ito’y hindi accumulation, panibagong pinsala po ito.
Kumbaga, karagdagang pinsala,” pahayag ni Office of Civil Defense (OCD) administrator and NDRRMC executive director Undersecretary Ariel Francisco Nepomuceno sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Dalawampung katao ang iniulat na nasawi dahil kay ‘Enteng’ subalit isasailalim pa sa validation ang mga ito.
Dalawampu’t anim naman ang nawawala pa.
Si ‘Enteng’ at ang Habagat ay nakaapekto sa kabuuang 2,553,203 katao o 714,360 pamilya sa 2,360 barangays sa buong bansa.
Sa naturang bilang, 33,430 indibidwal ang nananatili sa 439 evacuation centers, habang 47,412 iba pa ang naghahanap ng pansamantalang matutuluyan.