UMABOT na sa P469.8 million ang halaga ng pinsala sa imprastruktura ng mga bagyong Nika, Ofel, at Pepito sa tatlong rehiyon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Base sa 8 a.m. situational report ng NDRRMC, ang Central Luzon ang nagtamo ng pinakamalaking infrastructure damage na nagkakahalaga ng halos P320.7 million. Sumunod ang Cordillera Administrative Region (CAR) na may P144.7 million, at Cagayan Valley na may P4.4 million.
Ang Central Luzon ay nagtamo rin ng P855,326 halaga ng pinsala sa agrikultura, na nakaapekto sa 52 magsasaka at mangingisda.
Ang tropical cyclones, kabilang si Super Typhoon Pepito, ay nakaapekto rin sa 852,475 katao o 238,982 pamilya sa 2,152 barangays sa buong bansa. Sa nasabing bilang, 75,581 indibidwal ang tumutuloy sa evacuation centers at 36,077 ang nasa temporary shelter sa ibang lugar.
Animnapu’t limang kalsada at 40 tulay ang hindi pa rin madaanan sa kasalukuyan dahil sa epekto ng mga bagyo.
Nasa 7,401 bahay rin ang partially damaged at 437 iba pa ang totally damaged.
Labing-isang lungsod at bayan ang isinailalim sa state of calamity— walo ay mula sa Cagayan Valley, dalawa sa CAR, at isa sa Central Luzon.
Ayon sa NDRRMC, P45 milyong halaga ng tulong ang naipamahagi na sa mga apektadong residente.