INFRA DEVELOPMENT, TULONG SA MAHIHIRAP INUNA NI BONG GO

MATAPOS  masaksihan ang matagumpay na groundbreaking ng Oval Sports Facility sa Limay, Bataan gayundin ang pagsasagawa ng mga inspeksyon sa iba’t ibang local infrastructure initiatives sa bayan, personal na nagbigay ng tulong si Senador Christopher “Bong” Go sa mga mahihirap noong Huwebes, Pebrero 2, bilang bahagi ngang kanyang patuloy na pagsisikap na tumulong sa pag-angat ng buhay ng mga nahihirapang Pilipino.

“Mga kababayan ko dito sa Limay, alam ko pong napakahirap pa ng panahon nang dahil sa COVID-19 pero magtiwala lang po kayo sa gobyerno. Nandirito po kami para makapagbigay ng tulong, makabigay ng mga solusyon sa inyong mga problema, makatulong sa pag-unlad ng inyong bayan sa pamamagitan ng mga proyekto na makapagpapagaan ng inyong pamumuhay, at makaiwan po ng ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati. Masaya po kami na makapagserbisyo sa inyo,” talumpati ni Go.

Si Go at kanyang team ay namahagi ng grocery packs, vitamins, meals, masks, shirts, at snacks sa 500 mahihirap na residente ng Limay Sports Complex.

Namigay rin ang senador ng bisikleta, cellular phones, caps, mga sapatos, bola ng basketball at volleyball.

Namigay rin ang team ng Department of Social Welfare and Development ng tulong pinansyal.

“Gusto ko pong ipagpatuloy ang kampanya ni (dating) pangulong (Rodrigo) Duterte na labanan ang iligal na droga at kriminalidad sa pamamagitan po ng pag-engganyo po sa mga kabataan to get into sports, stay away from drugs.”

Bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, nag-alok din si Go ng karagdagang tulong sa mga nangangailangan ng pangangalaga sa ospital. Hinimok niya ang mga ito na bisitahin ang Malasakit Centers sa Bataan General Hospital at Medical Center sa Balanga City; at Mariveles Mental Wellness and General Hospital, kung saan maaari silang madaling makakuha ng tulong medikal mula sa gobyerno.

Isang ideya ni Go, ang Malasakit Center ay idinisenyo bilang isang one-stop shop kung saan ang mga mahihirap na pasyente ay mas madaling maka-access ng tulong na may kaugnayan sa medikal mula sa mga kinauukulang ahensiya, tulad ng DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office. Ang 154 na itinatag na Malasakit Centers sa ngayon ay nakinabang sa milyon-milyong pasyente sa buong bansa.

“Mayroon rin po kayong dalawang Malasakit Center dito sa Bataan – sa Mariveles at sa Balanga. It’s a one-stop shop, batas na po siya. Isinulong ko noon, pinirmahan ni (dating) pangulong Duterte sa tulong po ng mga kasamahan natin sa Kongreso. Ang Malasakit Center po nandiriyan na po sa loob ng hospital ang PhilHealth, PCSO, DOH at DSWD na handang tumulong po sa pagbayad ng inyong billing. Para po ‘yan sa mga Pilipino, para po yan sa poor and indigent patients. Lapitan nyo lang po ang Malasakit Center,” paliwanag ni Go, principal author and sponsor ng Malasakit Centers Act.

“Kung kinakailangan n’yo ng operasyon tulad ng sa puso ay magsabi lang kayo. Kami na ang tutulong, kami na ang magbabayad ng pamasahe ninyo hanggang makauwi kayo dito sa Limay,” dagdag ni Go.