INAAPURA na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang iba’t ibang infrastructure projects na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ginanap kahapon na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery and Cafe, sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar na puspusan ang kanilang mga tauhan upang maisakatuparan ang mga proyekto ng pamahalaan hanggang sa huling taon ni Pangulong Duterte sa Malakanyang.
Napag-alamang may kabuuang P8 trilyong pondo ang DPWH bilang bahagi ng ‘Build Build Build’ program upang ipantustos sa mga proyekto ng pamahalaang Duterte kung saan target na matapos ang mga ito sa loob ng anim na taon.
Ang naturang pondo ay kabahagi ng loans na ipinagkaloob ng China sa Filipinas na may pinakamababang interes lamang.
Kabilang sa mga proyekto na inaapura ng DPWH ang Pangil Bridge na magkokonekta sa Lanao at Misamis Occidental sa Mindanao at ang 19 kilometrong Panay-Guimaras-Negros Bridge na isa sa magiging pinakamahabang tulay na magagawa ng DPWH, na ayon kay Villar, ay nasa pipeline na sa tulong ng China.
Bukod dito, marami ring isinasagawang pag-aayos ang DPWH tulad ng mga flyover, mga lumang tulay gaya ng Guadalupe Bridge na nakatakdang i-retrofit, at maging ang subway mula sa San Jose Del Monte patungong NAIA airport. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.