NAGKASUNDO ang mga opisyal ng Filipinas at China na bilisan ang mga proyektong pang-imprastraktura na popondohan ng Beijing, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sinabi ng DOF na inihayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa pakikipagpulong kay Chinese Foreign Affairs Minister Wang Yi sa Beijing noong nakaraang Agosto 22 na pinapaspasan na ang mga paghahanda para sa mga proyekto.
“Under the guidance of President Duterte, we have been working very hard to achieve both the goals of President Duterte and President Xi Jinping in the development of the relationship between China and the Philippines,” ani Dominguez.
Ayon kay Wang, kailangan ang mga kongkretong aksiyon para mapabilis ang mga proyekto.
Ang mga economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakipagpulong sa mga Chinese official sa Beijing upang talakayin ang first basket ng mga proyekto na tutustusan ng China.
Ayon sa DOF, ang net foreign investment mula sa China ay lumago ng 534 percent mula Enero hanggang Mayo 2018 kumpara sa buong 2017. Ang kabuuang inaprubahang investments mula China ay tumaas din ng 57.14 percent kumpara noong nakaraang taon.
Ang bilateral trade sa pagitan ng China at ng Filipinas ay umabot sa $13.9 billion sa first half ng 2018.
Comments are closed.