TUMAAS ang government spending sa infrastructure ng double-digit noong Agosto sa likod ng ‘Build Build Build’ program ng administrasyong Duterte, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa datos ng DBM, ang naging paggastos sa imprastruktura at iba pang capital outlays ay nasa P68.4 billion, mas mataas ng 70.5 percent o P28.3 billion sa P40.1 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Dahil dito, ang infrastructure spending sa unang walong buwan ng taon ay pumalo sa P505.6 billion, mas mataas ng 49.8 percent sa P337.6 billion year-on-year.
“This increase was mostly due to the various projects implemented by the Department of Public Works and Highways; which include road widening, repair, and construction, flood control, and drainage improvement projects, among others,” ayon sa DBM.
Dagdag pa nito, ang modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nakapag-ambag din sa pagsirit ng naging paggastos ng gobyerno sa pagbili ng military communication equipment.
Hanggang end-August, ang DBM ay nakapagpalabas na ng 93 percent o P3.498 trillion ng P3.77-trillion national budget para sa 2018.
Para sa last quarter ng taon, 7.1 percent o P269.1 billion ng national budget ang hindi pa naipalalabas.
Ang halaga ay kinabibilangan ng P124.3 billion sa agency-specific budget at P140.4 billion sa Special Purpose Funds (SPF).
Ilan sa big-ticket program balances sa ilalim ng regular budget ng mga ahensiya ay kinabibilangan ng mga nalalabing requirements para sa paglikha at pagpunan ng mga posisyon sa Department of Education.
Ang unreleased allotments mula sa SPFs ay binubuo ng program balances sa subsidiya sa government corporations, miscellaneous personnel benefits fund, at pension gratuity fund.
“The allotment releases for these remaining balances are being closely evaluated by the budget department to maximize the use of available funds and to ensure whether these can still be obligated and delivered within the year,” wika ni Budget Secretary Benjamin Diokno.