LUMAKI ang infrastructure spending ng pamahalaan noong Pebrero bagama’t nag-operate ito sa isang reenacted budget sa pagsisimula ng taon, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa datos ng DBM, ang paggasta sa imprastraktura at iba pang capital outlays mula Enero hanggang Pebrero ay tumaas ng 26.3 percent sa P118.4 billion mula sa P93.8 billion noong nakaraang taon.
Ayon sa DBM, ang paglobo ng infrastructure spending ay dahil sa pagbabayad sa accounts noong mga nakaraang taon para sa mga natapos nang infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).”
Nakatakdang pirmahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang P3.757-trillion 2019 national budget sa Lunes, Abril 15, halos apat na buwan ang delay sa schedule matapos na hindi magkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa umano’y ‘insertions’ na isinagawa ng Kamara.
Para makabawi sa mga nasayang na oras na nagamit sana upang simulan ang pagtatayo ng mga bagong imprastraktura at ipagpatuloy ang mga ongoing project, hiniling ng economic managers ng pamahalaan sa Commission on Elections (Comelec) na i-exempt ang mga priority program at project sa election ban kaugnay sa May 13 midterm polls.
Kabilang dito ang 145 big-ticket projects na kasama sa panukalang 2019 budget, bukod pa sa 603 DPWH-led projects.