(ni CT SARIGUMBA)
SA MGA pagkakataong nasa labas tayo ng ating tahanan, maraming sakit ang puwede nating makuha. Sa panahon ngayon, nagkalat na ang iba’t ibang sakit. At kapag hindi tayo naging maingat, maaari tayong dapu-an nito.
Panahon na naman ng lagnat at sipon. Kaya naman, para maingatan natin ang ating sarili, narito ang ilang tips na dapat isaalang-alang:
I-CHECK ANG TEMPERATURA NG KATAWAN BAGO UMALIS NG BAHAY
Importante nga naman sa panahon ngayon ang pagtse-check ng temperatura ng katawan bago ang paglabas ng bahay nang matiyak na wala kang sa-kit. Kung ang body tempretaure ay nasa 38 degrees Celsius, huwag nang umalis ng bahay.
MAGSUOT NG MASK
Kung wala namang sakit, ugaliin ang pagsusuot ng mask kapag aalis ng bahay at kapag nasa lugar na matao.
Sa panahon ng colds at flu, ang isang paraan upang maiwasan ang pagkahawa ay ang pag-iingat. At isang paraan ng pag-iingat ang pagsusuot ng mask. Malaki ang naitutulong ng pagsusuot ng mask upang maiwasan natin ang infection o maiwasang mahawa sa nagkalat na sakit sa paligid.
Iwasan din ang pag-alis ng bahay o trabaho ng rush hour.
MAGLAKAD O GUMAMIT NG HAGDAN
Kung hindi naman kalayuan ang pupuntahan, piliin na lang ang paglalakad o kaya naman ang paggamit ng hagdan. Bukod sa kulob ito o masikip at maraming taong maaaring makasabay, isa pa sa dahilan kaya’t nahahawa ang marami ay kapag humawak sa mga bagay na hinahawakan ng marami, halimbawa na riyan ang button ng elevator. O kaya naman door knob.
PALAGING MAGDALA NG HAND SANITIZER O ALCOHOL
Huwag ding kaliligtaan ang pagdadala ng hand sanitizer o alcohol saan man magpunta. Importante nga namang nasisiguro nating malinis ang mga kamay nang maiwasang mahawaan ng sakit. At sa pamamagitan ng paggamit ng hand sanitizer o alcohol ay maiiwasan ang pagkahawa.
Huwag ding hahawakan ang bawat bahagi ng mukha lalo na kung marumi ang kamay o may hinawakang bagay.
LINISIN ANG LUGAR NA PINAGTATRABAHUAN
Gawin nating habit ang paglilinis ng lugar na ating pinagtatrabahuan bago natin simulan ang mga nakaatang na gawain. Oo minsan, hindi na natin nagagawa pang linisin ang ating working table. Mas iniisip nga naman natin ang simulan kaagad ang pagtatrabaho nang matapos din kaagad.
Ngunit sabihin mang ikaw lang ang gumagamit ng working table at computer, importante pa ring nalilinis ito ng alcohol bago gamitin.
Kaya para maging healthy, linisin muna ang computer lalong-lalo na ang mouse at keyboard nang matanggal ang kumapit na dumi.
MAGING MAINGAT SA KAKAINANG RESTAURANT
Sabihin mang marami ang nagkakasakit ngayong panahong ito, hindi pa rin maiiwasan ang pagkahilig ng marami sa atin sa pagtungo sa restaurant. Matapos nga naman ang nakapapagod na araw sa pagtatrabaho, nais nating ma-relax at masiyahan. At isang paraan na ginagawa ng marami upang ma-relax at maibsan ang pagod ay ang pagkain sa mga restaurant o kainang kanilang kinahihiligan.
Wala nga namang masama ang pagkain sa restaurant. Pero sa panahon ng colds at flu season, kailangan nating maging maingat. Kumbaga, iwasan muna natin ang pagtungo sa restaurant na matao. Kapag maraming tao sa isang restaurant, siguradong marami ring sakit ang maaari nating makuha.
Kaya’t piliin ang mga restaurant na walang gaanong tao. Gayundin ang mga restaurant na naghahandog ng mga healthy menu.
MAG-EHERSISYO AT KUMAIN NG MASUSTANSIYA
Importante rin ang pag-eehersisyo at pagkain ng masustansiya upang maiwasang mahawaan ng nagkalat na sakit sa paligid.
Kaya naman, para lumakas ang ating resistensiya, regular na mag-ehersisyo. Kumain din ng mga masusustansiyang pagkain.
LINISIN KAAGAD ANG KATAWAN PAG-UWI
Panghuli sa tips na aming ibabahagi ay ang pagiging malinis sa katawan. Kumbaga, hindi lamang sa pag-alis ng bahay at pagtungo sa trabaho sinisigurong malinis ang kabuuan. Dapat ay maging sa pag-uwi natin sa ating tahanan.
Kaya naman, pagkauwing-pagkauwi ng bahay at kahit na tamad na tamad ka pa, maglinis ng katawan nang matanggal ang mga duming kumapit. Maglagay rin kaagad ng alcohol sa kamay bago lumapit sa bawat miyembro ng pamilya.
Maraming sakit ang puwede nating makuha sa paligid. Pero kung magiging maingat tayo, maiiwasan natin ito. Kaya naman, ingatan ang sarili lalo na ngayong panahong nauuso na naman ang ubo, sipon at lagnat. (photos mula sa health24.com, gqindia.com, cnet.com)
Comments are closed.