ANG Meralco ay kasama sa kasaysayan ng ating bansa. Noong 1903, itinaguyod ang Manila Electric Railroad and Light Company upang magbigay serbisyo ng koryente at trambiya sa Manila at mga karatig lugar. Subalit noong World War II, ang mga linya ng trambiya ay nasira dulot ng pagbomba ng mga Amerikano sa Manila upang paalisin ang mga mananakop na Hapon. Dahil dito, mas binigyan pansin ng Meralco ang rehabilitasyon ng koryente sa Manila at mga iba bang kalapit bayan.
Sa pagtagal ng panahon, lumaki at umunlad ang Meralco sa pagbibigay serbisyo ng koryente, hindi lamang sa mga karatig bayan ng Manila, kung hindi sa ilang mga lalawigan. Sa kasalukuyan, ang Meralco ang pinakamalaking distribution utility sa bansa. Ang kanilang franchise area ay sumasakop sa 9, 685 square kilometers. Kasama rito ay ang 36 cities, 75 municipalities, pati na ang Metro Manila. Ang mga lalawigan ng Rizal, Cavite at Bulacan; mga ibang bayan sa Pampanga, Batangas. Laguna at Quezon ay kasama sa franchise area ng Meralco.
Ang paglago ng Meralco ay patunay sa kanilang magandang serbisyo sa kanilang mga customer sa nakalipas na mahabang panahon.
Sa hirap at ginhawa. Sa pagkawalan ng koryente at mabilis na pagbabalik nito tuwing sakuna, ang Meralco ay palaging handa na maibalik ang koryente bente kwatro oras. Ang Meralco ay kasama rin natin upang ipaliwanag ang dahilan ng pagtaas at pagbaba ng singil sa koryente. Subalit may mga ilang grupo diyan na wala ng ginawa kundi batikusin ang Meralco. Ang nakikita lamang nila ay umano’y kamalian at hindi pinupuri kapag mag magandang balita ang Meralco. Hay Naku.
Bakit ko sinasabi ito? Eh laging binabatikos ng ilang grupo ang Meralco na mataas daw ang singil sa koryente samantalang isa na sa pinakamababa ang singil ng Meralco kung ating ihahambing sa singil ng koryente ng mga ilang electric cooperative sa Pilipinas.
Kaya naman anim na munisipalidad sa Pampanga ang nananawagan sa Meralco kung maaaring isama na sila sa prangkisang nasasakupan sa Pampanga upang maramdaman din nila ang magandang serbisyo na ibinibigay ng Meralco.
Sina Apalit Mayor Oscar “Jun” Tetangco, Masantol Mayor Jose Antonio “Ton-ton” Bustos, Macabebe Mayor Leonardo “Bobong” Flores, San Simon Mayor Abundio “Jun” Punsalan, Minalin Mayor Phillip Naguit, at Sto. Tomas Mayor John Sambo ay nakipagpulong kay Meralco Chairman Manny Pangilinan o mas kilalang MVP at nakiusap kung paano sila maisama sa sinasakop ng prangkisa ng Meralco sa Pampanga. Sa kasalukuyan, ang Pampanga Electric Cooperative III (PELCO 3) ang nagbibigay serbisyo ng koryente sa nasabing anim na munisipalidad.
Tulad ng sinabi ko kanina, ang mga electric cooperative ay mas mataas ang singil ng koryente kung ating ikukumpara sa presyo ng koryente ng Meralco. Ito ang hinanakit ng anim na bayan ng Pampanga. Umaabot sa P15,8090 kada kilowatt hour sa kanilang lugar, samantalang ang singil ng Meralco ay P9.9365 per kWh lamang. O ano kayo diyan?!
“Humingi na po tayo ng tulong kay MVP kasi nahihirapan na po ang mga kababayan natin dito sa sobrang taas ng singil ng koryente. At alam naman po natin na taga-Apalit din siya at willing naman po siyang tumulong,” ang apela ni Apalit Mayor Oscar “Jun” Tetangco.
Dagdag pa ni Tetangco na maaaring mapilitan ang mga electric cooperative na gumawa ng paraan kapag makita nila na posibleng pumasok ang Meralco at magbigay serbisyo sa mga iba pang bayan ng Pampanga na sakop ng PELCO III.
“Ang sabi ng Meralco, hindi naman sila nakikipagmurahan ng presyo. Ang target lang nila is ma-stabilize ang presyo.
Hindi po katulad dito na this month ?15 tapos next months bababa ng piso tapos sisipa naman ng 15 to 16,” ang paliwanag ni Tetangco.
Si Tetangco ang presidente ng Mayor’s League of the Philippines – Pampanga. Kaya malaking bagay kapag mapapahintulutan ang Meralco na magdagdag ng mga munisipalidad sa Pampanga sa ilalim ng kanilang prangkisa.
Maaaring aangat ang lebel ng serbisyo ng mga electric cooperatives kapag makita nila ang posibleng kompetisyon dahil sa pamantayan ng serbisyong ibinibigay ng Meralco sa kanilang franchise area.
Kahit sino naman, ang hangad natin ay makaranas ng magandang serbisyo ng koryente. Ang hiling ng mga ilang mayor ng Pampanga ay patunay na dapat pamarisan ang Meralco ng ibang mga distribution utility sa ating bansa.
Kaya nananawagan ako sa mga bumabatikos sa serbisyo ng Meralco. Subukan ninyong manirahan sa ibang lalawigan upang maranasan at ihambing ninyo ang serbisyo at presyo ng koryente ng ibang electric cooperatives.
Harinawa’y makatulong ito sa inyo bilang magandang batayan sa mga batikos ninyo laban sa Meralco.
Ako? Aba’y panawagan ko na lamang sa Meralco ay ipagpatuloy ninyo ang inyong magandang serbisyo sa amin.