Nag-alay ng panalangin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa batang Kuwaiti na sinasabing pinatay ng isang Pinay worker sa Kuwait.
Inialay ni Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng CBCP – Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang panalangin at pakikipagdalamhati sa pamilya ng biktima.
Kasama sa kanyang panalangin ay ang magabayan at matulungan ang pamilya ng bata na malagpasan ang dinanas na pagsubok.
Malaki rin aniya ang epekto ng naturang krimen sa bawat Pilipino, lalo na sa mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa, kaya’t kailangan ang pagkakaisa at panalangin ng bawat isa para muling malagpasan ang panibagong problema sa Kuwait.
Kasabay nito ay umapela si Bishop sa pamahalaan na matulungan ang Pinay na kasalukuyan nang nakakulong.
Una nang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isinilid ng Pinay worker sa washing machine ang batang Kuwaiti. Na-rescue pa ang bata ng kanyang mga magulang at nadala sa pagamutan ngunit kinalaunan ay pumanaw rin.
JD