BINUBUO na ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang guidelines para mabigyan ng insentibo ang mga aktibidad na may kinalaman sa halal industry.
Sinabi ni PEZA Ecozone Development Department Manager Ludwig Daza sa Philippine News Agency na layon ng investment promotion agency (IPA) na magpalabas ng guidelines sa susunod na taon para sa pagtatayo ng halal hubs sa buong bansa.
“Because without the guidelines and the approval of the PEZA Board, we cannot register halal projects yet. So we need the guidelines, the framework, so we can register projects related to halal industry under the CREATE (Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises) Law or the SIPP (Strategic Investment Priority Plan),” aniya.
Sinabi rin ni Daza na ang unang halal hub sa bansa ay maaaring itayo sa Mindanao, dahil sa pagiging malapit nito sa Muslim-dominated countries na Malaysia, Brunei Darussalam, at Indonesia na tinatarget din na maging partners ng bansa sa pagbuo ng domestic halal industry.
Sa sandaling maipalabas ang guidelines para sa halal , magbibigay, aniya, ang PEZA ng insentibo sa halal ecozone developers at locators.
Ang ecozone ay tinatarget din na maging host ng buong supply chain para sa halal industry.
Sa 28th Investors’ Night ng PEZA kamakailan, sinabi ni PEZA Director General Tereso Panga na ang halal at food production hubs ay bahagi ng bagong frontier ng ecozone development para sa IPA upang suportahan ang target ng Department of Trade and Industry (DTI) na pasiglahin ang local halal ecosystem.
Hangad ni DTI Secretary at PEZA Chairman Alfredo Pascual na makalikom ng P230 billion na halal trade at investments at lumikha ng 120,000 trabaho na may kinalaman sa halal sector sa susunod na limang taon para gawing most halal-friendly destination sa Asia Pacific region ang Pilipinas.
(PNA)